Pagsusuot ng face mask sa anumang alert level status, dapat lang!
ni Ryan Sison - @Boses | March 16, 2022
Naninindigan ang grupo ng mga doktor na dapat pa ring magsuot ng face mask, anumang alert level na umiiral.
Ang pahayag na ito ay sa gitna ng mungkahing ibaba pa ang restriksiyon sa Metro Manila, na kasalukuyang nasa Alert Level 1.
Paliwanag ng grupo, bagama’t halos pareho na rin ang Alert Level 0 at Alert Level 1 dahil lahat umano ng tao ay nasa labas na, kailangan pa ring maghinay-hinay at hindi umano nangangahulugan na tatanggalin na ang face mask ‘pag ipinatupad na ang Alert Level 0.
Gayundin, ipinaalala ng mga doktor na nananatili ang virus, at may mga COVID-19 patients pa ring nasa ICU, kaya naman todo-paalala ang mga ito na nananatiling mahalaga ang pagsusuot ng face mask.
Matatandaang, sunud-sunod ang mga naging pagluwag dahil sa pagbaba ng alert level status sa maraming lugar sa bansa, pero tulad ng palagi nating sinasabi, hindi ito dahilan para makampante.
At bagama’t mababa na ang naitatalang COVID-19 cases sa bansa, kailangang maging maingat pa rin tayo sa pagtatanggal o pagluluwag ng mga panuntunan.
Makinig tayo sa mga eksperto dahil sila ang nakakaalam kung ano ang mga dapat at ‘di dapat gawin upang maiwasan ang hawahan.
Malayo na ang narating natin, at gustuhin man nating makapamuhay na nang normal, ‘di natin ito puwedeng ipilit hangga’t may banta ng virus.
Sa ngayon, ang pinakamabuti nating magagawa ay maging disiplinado at sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols, anumang alert level status ang umiiral.
Malaking tulong ito upang mapanatiling ligtas ang lahat sa hawahan ng sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments