Pagsugpo sa droga at krimen, paano kung walang drug war?
@Editorial | Abril 3, 2024
Sa kanyang unang pagharap sa media bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), inilatag ni Gen. Rommel Francisco Marbil ang kanyang mga nais isulong na patakaran sa organisasyon.
Sa ilalaim ng kanyang termino, iginiit ng PNP chief na hindi niya kailangang magdeklara ng war on drugs para magkaroon ng drug-free na komunidad.
Ayon sa opisyal, hindi niya ipag-uutos na magparamihan ng huli at kumpiska ng ilegal na droga. Ang target umano ay ang mapababa ang krimen. Balak umano ni Marbil na ituloy ang magagandang programang nasimulan na ng mga nakaraang PNP chief kontra krimen.
Kung talamak ang droga at kaliwa’t kanan ang krimen na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot, paano nga kaya ito masusugpo kung walang drug war? Ito ang aabangan sa bagong pamunuan ng PNP.
Umaasa tayo na masusugpo o mababawasan man lang ang mga kaso ng drugs. Grabe ang naidudulot nitong kasamaan sa bansa. Karamihan sa mga nangyayaring karumal-dumal na krimen, ang ugat ay paggamit ng droga. May iba naman na kapit sa patalim para masuportahan ang masamang bisyo hanggang sa mawasak na ang buhay at pamilya.
Batid natin na napakatagal nang problema ang drugs, at sana dumating din ang panahon na tuluyan na itong masolb at higit sa lahat, mapanagot ang lahat ng sangkot kabilang na ang mga protektor.



Comments