Pagsirit ng COVID-19 cases, makaaapekto sa susunod na quarantine classification
- BULGAR

- Mar 9, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | March 9, 2021
Kapansin-pansin ang biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa nitong mga nakaraang araw kung saan pumapalo sa mahigit 3,000 bagong kaso ang naitatala ng Department of Health (DOH).
Dahil dito, agad na nagpahayag ng pagkabahala ang mga eksperto dahil hindi tulad ng mga nakaraang pagtaas ng mga kaso, nakitang mas mabilis ang pagkalat ng virus sa loob ng maiksing panahon. Gayundin, ramdam na ng iba’t ibang ospital ang surge dahil mas marami nang COVID patients ang naa-admit.
Kagunay nito, nilinaw ni Cabinet Secretary at co-chairman ng Inter-Agency Task Force (IATF) on emerging infectious disease na si Karlo Nograles na nakasalalay sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang magiging quarantine status sa Abril, dahilan para patuloy na i-monitor ang mga naitatalang kaso ngayong Marso.
Samantala, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na muling higpitan ang pagpapatupad ng health protocols sa kanilang nasasakupan.
Sa totoo lang, nakakatakot ang pagsirit ng COVID-19 cases sa bansa, lalo pa’t may ibang variants na kumakalat.
Kung doble ingat tayo ngayon, triplehin pa ang pag-iingat. Balikan ang mga nakalimutang hakbang tulad ng madalas na paghuhugas ng mga kamay, tamang pagsusuot ng facemask at face shield at pag-disinfect ng bahay o workplace.
Bagama’t marami sa atin ang ‘ika nga, pagod na sa mga umiiral na restriksiyon dahil halos isang taon na natin itong ginagawa, malaking bagay ang kapalit nito kung magiging relaks tayo.
Dahil kung babalik tayo sa mas mahigpit na quarantine restrictions, marami na namang bawal at malamang, apektado na naman ang negosyo at kabuhayan.
Ang ending, mas maraming magugutom at maraming susuway para maghanapbuhay.
Malamang, ayaw nating maulit ang mga ganitong eksena, kaya habang may panahon pa bago desisyunan ng mga kinauukulan ang susunod nating hakbang, kumilos din tayong taumbayan.
Pairalin ang disiplina sa lahat ng oras para maging bahagi ng solusyon at ‘di panibagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments