top of page
Search
  • BULGAR

Pagsira sa kalikasan, simbolo ng kasakiman

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 6, 2024



Fr. Robert Reyes


Halos 30 taon na nang naanyayahan tayong makiisa sa laban ng mga Sariayahin sa kanilang mga lingkod bayan na sumisira sa Bundok Banahaw. 


Taong 1995 iyon nang nagmartsa at nag-caravan ang mga taga-Quezon laban sa “illegal quarrying” na nagaganap sa kanilang bayan. 


Hindi natin narating ang mismong “quarry sites”, naglakad lamang kami noon mula sa Saint Francis Church, Sariaya hanggang sa isang tulay pagkaraan ng kumbento ng mga madreng Poor Clares. Hindi na kailangang pumasok pa sa looban upang makita ang mga dambuhalang baton na hinuhukay at hinahakot ng mga malalaking truck tungo sa mga “crushing plants” na gumagawa ng naturang concrete aggregates o ang mga gamit sa paghalo ng semento, partikular dito ay ang graba. 


Makaraan ang halos 30 taon ay hindi pa rin tumitigil ang “quarrying” ng mga malalaking bato. Napakalaking pinsala na ang idinudulot ng quarrying sa bayan ng Sariaya at mga karatig baryo nito. At napakalaking pinsala na rin ang natamo ng mismong Bundok Banahaw.


Dahil nababahala na ang mga Sariayahin, nagpasya ang mga itong kumilos at magsimula nang magprotesta at maningil. Ito ang dahilan ng muling pagdalaw natin noong nakaraang Huwebes sa bayan ng Sariaya. 


Nakiusap sa atin ang ilang kaibigang pari ng diyosesis ng Lucena na samahan sila sa kanilang mainit na pamamahayag ng pagtutol sa mapanirang quarrying operations sa kanilang bayan. At ang kanilang naging panawagan: “Total ban of quarrying in Sariaya town and beyond!”


Simple ngunit mahaba ang naging kilos-protesta sa Sariaya noong nakaraang Huwebes, na bandang alas-7 ng umaga ay nagkaroon ng misa laban sa “quarrying operations” sa Mt. Banahaw. Dinaluhan ito ng mahigit 30 pari na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Quezon. 


Puno ang simbahan ng Saint Francis of Assisi. Naroroon ang mga mag-aaral, mga madre, seminarista at iba’t ibang grupong Sariayahin na ipinaglalabang sagipin ang Bundok Banahaw sa mga tiwali at gahamang mga korporasyon sampu ng mga pulitiko umanong sumusuporta sa kanila. 


Pagkaraan ng misa, dumalaw ang malaking delegasyon sa opisina ng mayor ng Sariaya at nagsalita ng sandali sa nagaganap na pulong ng Sangguniang Bayan. Makaraan nito, naglakad kami patungong tulay, makalampas sa napakalaking tambakan ng graba na pag-aari ng isang korporasyon. Napakalaking mga bundok ng graba ang aming natanaw sa labas ng matataas na bakod ng tambakan ng graba. “Galing ang mga grabang ‘yan sa mga batong hinukay nila sa paanan ng Bundok Banahaw,” paliwanag ng mga taga-roong kasabay nating naglakad.


Tumigil kami sandali sa tulay makaraan lang ng naturang korporasyon, at nakita namin kung gaano na kalalim ang natuyong ilog sa ilalim. Dati mayroong tubig ang ilog, pero unti-unting namatay ang ilog sa paglawak at paglala ng paghuhukay, pagka-quarry ng bato sa laylayan ng Bundok Banahaw. 


Pagkaraan ng ilang metro dumating kami sa kalyeng patungong “quarry site.” Nagsakayan na ang lahat sa iba’t ibang mga behikulong naghihintay doon. Sumakay kami ng ilang pari at mga taga-roon sa isang truck na naghahakot din ng mga bato. Hindi ko alam kung sino ang nakipag-usap sa drayber at napapayag na ihatid kami sa “quarry site.”


Mahirap ang biyahe dahil walang hawakan ang truck at maaaring mahulog ang sinuman. Salamat na lang at maingat ang drayber. 


Pagkaraan ng mahigit na 20 minutong malubak na biyahe, napahinto kami dahil sa malalaking batong malinaw na hinarangan ang aming daraanan. Sinubukan ng ilan na itulak ang bato, pero imposibleng iusod ito dahil sa laki at bigat nito. Pinilit na lang ng lahat ng sasakyan na dumaan sa gilid upang makalampas sa harang. Pagkatapos ng ilang metro, isa pang bato ang nakaharang. Ganu’n na naman ang ginawa ng lahat ng sasakyan. Sadyang naglagay ng harang ang mga nagka-quarry na hindi pabor sa protestang idinaos.


Kulang ng isang oras, nakarating na rin kami sa isang “quarry site.” Nakakagalit ang tanawing bumulaga sa amin. Tumpok-tumpok na mga dambuhalang bato na naghihintay hakutin para durugin ang nakakalat sa malawak na tanawin. Malalim na ang nahukay dahil ilang metro na mula daan ang ibinaba namin. Halos 10 metro ang taas ng mga gilid ng hukay at nasa ibaba kami.


Tumigil ang mga sasakyan sa isang parte ng malawak na “quarry site.” Nanalangin kami rito at pinagsalita ang ilang naroroon.


Nang pagsalitain tayo, binigyang-diin natin ang kalunos-lunos na tanawin ng magandang bundok sa harapan na kung nasa malayo ay hindi makikita ang malalalim na hukay na maihahalintulad sa malalalim na sugat na idinulot ng mga taong walang malasakit at walang awa at malinaw na walang pagmamahal sa Bundok Banahaw. 


Kung ituturing nating buhay at magandang babae ang Bundok Banahaw tulad ni Maria Makiling, masasabi nating buhay pa ay kinakatay na. Tanong ko lang, “alam ba at naiintindihan ng mga opisyales at ng mga may-ari ng malalaking “quarrying corporations” ang kanilang ginagawa at ang epekto nito sa kalikasan at tao?


Hindi sila mangmang at walang alam dahil matatalino sila. Isa lang ang kulang, may utak na hindi ginagamit. Ngunit, ang lubhang malungkot ay saan napunta ang kanilang mga puso, na kaya nilang sugatan at isapalaran ang buhay ng maganda, mahiwaga, banal at bumubuhay na Bundok Banahaw?


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page