top of page
Search
  • BULGAR

Pagrebyu sa Labor Code, napapanahon na

ni Ryan Sison - @Boses | July 11, 2022


Sisilipin ng bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nilalaman ng Labor Code of the Philippines.


Ito ay para masuri umano kung naaangkop pa ang mga nilalaman nito sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.


Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, may mga piecemeal amendments o mga hindi sistematikong nilalaman ang Labor Code na hindi tumutugma sa ibang probisyon.


Gayunman, unang tututukan ng ahensya ang pagrerebyu sa mga issuances na nagreresulta umano sa kalituhan, kaya gagawing mas simple para sa mga ordinaryong manggagawa.


Inumpisahan na umano ng DOLE ang paglikha ng plano para sa “labor and employment” na ipatutupad sa buong termino ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Magsasagawa umano sila ng konsultasyon sa lahat ng apektadong sektor at stakeholders bago ito iprisinta at ipatupad.


Kung mismong bagong kalihim ng DOLE ang nagsabi na kailangang suriin ang Labor Code sa bansa, baka nga napapanahon na itong gawin.


‘Ika nga, ibang-iba na ang panahon ngayon at kailangan nating sumabay. Gayundin, kailangang tugma ang mga nilalaman ng Labor Code sa kakayahan ng mga kumpanya at manggagawa.


Kaya naman, panawagan natin sa kinauukulan, pag-aralang mabuti ang sitwasyon ng bansa upang magkaroon ng maayos na basehan sa mga gagawing pagbabago.


Tiyakin ding nauunawaan ng mga kumpanya, gayundin ang mga manggagawa ang nilalaman ng Labor Code upang masunod ang lahat ng ito.


Tungkulin din ng gobyerno na mapangalagaan ang mga manggagawa at malaking gabay ang Labor Code upang magampanan ang obligasyong ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page