Pagrebisa ng retirement age sa mga pulis at guro, iminungkahi
- BULGAR
- Aug 12, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 12, 2024

Itinutulak ngayon ng ilang mambabatas ang pagpapalawig ng edad ng pagreretiro ng mga pulis habang pagpapababa naman para sa mga guro at non-teaching personnel.
Batay sa Senate Bill No. 2758 o ang Act Increasing the Compulsory Age of Retirement for Officers and Non-officers of the Philippine National Police (PNP) na inihain ni Sen. Imee Marcos, layon nitong itaas ang retirement age na mula edad 56 ay gawing 57 anyos.
Gayundin, nais amyendahan ng nasabing bill ang Section 39 ng Republic Act No. 6975, na kilala bilang “Department of the Interior and Local Government Act of 1990.”
Gaya ng sa Armed Forces of the Philippines (AFP), layunin ng panukala na itulad dito ang retirement age para sa mga PNP officer at personnel na mula 56 hanggang 57 anyos para matiyak ang pagpapatuloy at stability ng liderato, at kahusayan o excellence sa PNP. Sa ngayon kasi ang mandatory retirement age ng isang police officer ay edad 56.
Inihain naman si Senate President Francis Chiz Escudero ang Senate Bill 58, o ang pagpapababa sa compulsory retirement age ng empleyado ng Department of Education (DepEd) mula edad 65 ay gawing 60 anyos, kabilang dito ang mga public school teacher.
Ayon kay Escudero, kapag naipasa at naging ganap na batas, makikinabang ang libu-libong mga empleyado ng DepEd, mga guro at non-teaching personnel, na nais na ring gugulin ang mga panahon ng kanilang buhay sa iba pang hanapbuhay at pagkakakitaan.
Gayundin aniya, magbubukas ito ng mga oportunidad para sa mga batang titser at mga non-teaching personnel para makapagtrabaho sa kagawaran.
Marahil, tama na rebisahin ang itinatakdang edad ng pagreretiro ng ating kapulisan gayundin ng mga guro at kawani ng DepEd.
Kung titingnan kasi, mas marami sa mga may edad na nating mga pulis ang nagtataglay ng dedikasyon sa kanilang trabaho at masasabing tapat sa pagseserbisyo. Kumbaga, tumanda na sila sa pagiging pulis na nangakong poprotektahan at paglilikuran ang taumbayan.
Para sa ating mga guro at mga non-teaching personnel, mainam na sigurong maaga silang makapagretiro dahil buong buhay naman nila ay nakatuon na sa pagtuturo at ikabubuti ng ating edukasyon, bagay na ginagawa nila ng mahabang panahon. Hayaan nating ma-enjoy nila ang kanilang buhay habang malakas pa na kasama ang kanilang pamilya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments