ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 19, 2024
LIDERATO NI SEC. ANGARA SA DEPED, TIYAK WALANG PALPAK SA OPENING NG KLASE KAHIT SABAYANG NAG-RESIGN ANG 5 DEPED OFFICIALS -- Sablay ang ginawang sabayang pagre-resign sa DepEd ng limang opisyal na sina DepEd Usec. Michael Poa, Usec. Nolasco Mempin, Asec. Noel Baluyan, Asec. Reynold Munsayac at Asec. Sunshine Fajarda na pawang appointee ni Vice Pres., former DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio.
Mantakin n’yo sa July 29, 2024 na ang pasukan ng klase ay saka sila sabay-sabay nagsipag-resign bago ang pormal na pag-upo sa puwesto ni newly appointed DepEd Sec. Sonny Angara.
Kung inaakala nila na sa kanilang magkakasabay na pag-resign ay papalpak ang pasukan ng klase sa July 29 sa ilalim ng bagong pamumuno ni Sec. Angara ay nagkakamali sila, kasi sa tagal na nito sa pagsisilbi sa bayan ay naipakita na nito sa mamamayan ang husay niya sa public service at walang nabalita na pumalpak ito sa kanyang tungkulin, period!
XXX
KUNG MAGANDA ANG PERFORMANCE NG 5 DEPED OFFICIAL, TIYAK MANANATILI SILA SA PUWESTO, PERO DAHIL NAG-RESIGN BAGO ANG OPENING NG KLASE, ‘WAG NA SILANG UMASANG MAKAKABALIK PA SA AHENSYA -- Ang katuwiran ng limang DepEd officials na kaya raw sila nag-resign ay para raw bigyan ng free hand si Sec. Angara sa mga nais nitong ilagay sa kanilang mga puwesto.
Sa totoo lang, sa tagal na sa public service ni Sec. Angara ay wala itong record ng pamemersonal, na kung maganda naman ang performance nila sa kagawaran ay posibleng panatilihin sila ng bagong DepEd sec. sa kanilang mga puwesto.
Pero dahil sa ginawa nilang pagre-resign bago ang opening ng klase, huwag na silang umasang kukunin pa ni Sec. Angara ang kanilang serbisyo sa DepEd, boom!
XXX
CICC DAPAT NANG UMAKSYON LABAN SA MGA VLOGGER NA NAGPU-PROMOTE NG ILLEGAL ONLINE GAMBLING -- Ibinulgar ng PAGCOR na may mga vloggers o influencers sa social media ang nagpu-promote ng online illegal gambling ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa social media.
Ngayong mismong PAGCOR na ang nagkumpirma niyan, dapat umaksyon ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para kilalanin at sampahan ng kaso ang mga vlogger na konektado sa mga illegal POGO upang makulong ang mga ganitong uri ng social media influencers, period!
XXX
DAPAT GAMITAN NA NI PBBM NG ‘KAMAY NA BAKAL’ ANG ILLEGAL ONLINE SABONG -- Ang online sabong ay ipinagbabawal na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), pero kahit na ito ay bawal na, tuloy pa rin ang operasyon nito sa socmed.
Dapat gumamit na ng “kamay na bakal” si PBBM para tuluyan nang matigil ang raket na illegal online sabong sa socmed, boom!
Comments