top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagpapawalang-sala sa akusado sa ilalim ng ‘Equipoise Rule’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 6, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 6, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano ang “Equipoise Rule”?  Narinig ko ang katagang iyan sa panayam sa radyo ng isang abogado ukol sa kasong kriminal. Kung hindi ako nagkakamali ng dinig, maaari diumanong mapawalang-sala ang isang akusado sa ilalim ng tuntuning iyan. Sana ay malinawan ninyo ako. -- Brian



Dear Brian,


Mahalaga ang ebidensya upang patunayan ang krimen at kung sino ang may-akda nito. Ang criminal liability ng isang taong inaakusahan ng krimen ay kinakailangan na mapatunayan ng taga-usig nang higit sa makatuwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt. Kung hindi pumasa sa nasabing pamantayan ang ebidensya ng taga-usig ay mapapawalang-sala ang akusado.   Malinaw na nakasaad sa Section 2, Rule 133 ng Revised Rules on Evidence (A.M. No. 19-08-15-SC) ang sumusunod:


“Section 2. Proof beyond reasonable doubt. – In a criminal case, the accused is entitled to an acquittal, unless his or her guilt is shown beyond reasonable doubt. Proof beyond reasonable doubt does not mean such a degree of proof as, excluding possibility of error, produces absolute certainty. Moral certainty only is required, or that degree of proof which produces conviction in an unprejudiced mind.”


Ganunpaman, ang akusado, sa tulong ng depensa, ay binibigyan din ng pagkakataon na magsumite ng kanyang ebidensya. Mayroong mga pagkakataon na magkatimbang o magsimbigat ang ebidensya na ipinresenta ng taga-usig at ng depensa. Mayroon ding mga pagkakataon na ang mga sirkumstansya mismo na bumubuo sa sinasabing krimen ay nagbibigay ng dalawa o ilang posibilidad, o na sa isang banda ay maaaring ginawa ng akusado ang krimen at sa ikalawang banda ay maaaring inosente ang akusado. Ito ang sitwasyon na kung tawagin ay “equipoise.” Sa ganitong sitwasyon ay kikiling ang hukuman sa pagpapawalang-sala ng akusado dahil ang kanyang kasalanan ay hindi lubos na napatunayan. Sa ilang mga kaso na dinesisyunan ng ating Korte Suprema, ipinaliwanag ang equipoise rule:


“x x x Under the equipoise rule, where the evidence on an issue of fact is in equipoise (evenly balanced), or there is doubt on which side the evidence preponderates, the party having the burden of proof loses. The equipoise rule finds application if the inculpatory facts and circumstances are capable of two or more explanations -- one of which is consistent with the innocence of the accused and the other with his guilt -- in which case the evidence does not fulfill the test of moral certainty and is not sufficient to support a conviction.” (Fernando Estabas Mahawan alias Pado vs. People of the Philippines, G.R. No. 176609, December 18, 2008, Ponente: Honorable Associate Justice Minita Chico-Nazario)


“x x x The equipoise rule provides that where the evidence in a criminal case is evenly balanced, the constitutional presumption of innocence tilts the scales in favor of the accused.” (Mark Anthony Nieto and Filemon Vicente vs. People of the Philippines, G.R. No. 241872. October 13, 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Rodil V. Zalameda)


Kung kaya’t maaaring mapawalang-sala ang isang akusado kung hindi lubusang mapatunayan ng taga-usig sa hukuman ang pagkakasala sa batas ng naturang akusado.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page