top of page
Search
  • BULGAR

Pagpapauwi sa mga labi ng 3 OFWs mula sa Dubai, madaliin

ni Ryan Sison @Boses | April 21, 2024




SINIMULAN na ng pamahalaan ang pagsasaayos para mapauwi ang mga labi ng tatlong Pilipinong nasawi sa malawakang pagbaha sa Dubai, United Arab Emirates.


Batay sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga biktima ay kinilalang sina Danny Casipong, Jennie Gamboa at Marjorie Saquing.


Namatay umano si Casipong matapos na mahulog sa sinkhole, habang sina Gamboa at Saquing ay na-suffocate sa loob ng kanilang shuttle service nang magbuga ito ng usok.


Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, agad-agad ay nakipag-usap sila sa mga pamilya ng mga biktima at personal na pinuntahan ito ng mga regional officer. Aniya, nakausap na nila ang mga kaanak ng mga OFW, at gumagawa na ng hakbang ang OWWA habang inaayos din ang mga dokumento para sa pagpapauwi sa mga bangkay.


Sinabi ni Ignacio na hindi na ito magtatagal, hindi lang nila masabi partikular ang date nito. Subalit, sa lalong madaling panahon kapag nakakuha na sila ng clearance at iba pang requirements ay maililipad na nila pauwi sa ‘Pinas ang mga biktima.


Samantala, tumigil na ang ulan sa Dubai ngunit malaking problema pa rin ang pagbaha dahil sa may mga mabababang lugar ang naturang bansa.


Hinihinala naman ng mga eksperto na epekto ng climate change ang pagbuhos ng malakas na ulan sa bahagi ng Middle East. Gayundin, ang baha ay posibleng sanhi umano ng kakulangan ng UAE ng drainage infrastructure.


Base sa datos, nasa tinatayang 650,000 Pilipino ang nasa Dubai.


Ipinahayag din ng OWWA na handa silang tulungan na makauwi ang mga OFW na nais magpa-repatriate subalit wala pang nagboluntaryo na mga Pinoy doon.

Mahirap talaga ang kalagayan ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Kung hindi nasa gitna ng giyera ang kanilang nararanasan ay trahedya naman mula sa kalamidad ang kanilang nasasagupa.


Bukod dito, tinitiis din ng mga OFW na malayo sa kanilang pamilya mabigyan lamang sila ng magandang buhay para sakaling makaipon ay makauwi na rin sa ating bansa.

Ang masaklap lamang talaga ay iyong maiuuwi sila sa kanilang pamilya na wala nang buhay.


Hiling natin sa kinauukulan na sikapin nilang matulungan agad ang mga kaanak ng mga OFW na nasasawi sa ibang bansa dahil wala silang ibang maaasahan at mahihingan ng tulong.


Gayundin, sana mag-isip ang gobyerno ng paraan para magkaroon ng mas maraming trabaho sa ating bansa nang hindi na umalis ang ating mga kababayan at makipagsapalaran abroad.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page