Pagpapatuloy ng Libreng Sakay, hiling sa Marcos admin
ni Ryan Sison - @Boses | June 24, 2022
Malaking pakinabang para sa mga komyuter ang Libreng Sakay ng gobyerno.
Bukod sa mas maraming ruta ang binuksan, mas marami ring nakinabang at nakatipid. Malaking tulong umano dahil imbes na ilaan sa pamasahe, puwede pang itabi para sa ibang gastusin.
Gayunman, itinigil na ang Libreng Sakay sa ilang ruta dahil sa kakapusan ng pondo.
Ayon sa Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB), nagamit na ang 80% ng pondo para rito at inaasahan pa itong bumaba sa mga susunod na araw.
Binigyang-linaw din ng LTFRB na P7 bilyon lamang ang budget para sa naturang programa, ngunit nagamit na rin ito dahil sa karagdagang enrollment ng units. Noon ay nasa higit 500 units lamang, ngunit ngayon ay nasa 1,600 units na may 900 operators ang kasali sa programa.
Samantala, natapos na ang libreng sakay sa 118 ruta noong nakaraang linggo. Habang mananatili hanggang Hulyo 31 ang libreng sakay sa EDSA Bus Lane at Commonwealth Route 7.
Handa umano ang LTFRB na palawigin ang programa kung mabibigyan ng karagdagang budget ng papasok na administrasyon.
Sa ilang buwang pagtakbo ng programa, napakaraming nakinabang. Ang baryang para sana sa pamasahe, nailaan pa sa ibang pangangailangan. Kaya sa totoo lang, nakakalungkot kung tuluyan itong hihinto dahil sa kakulangan ng pondo.
Hindi lamang komyuter ang nakinabang kundi maging ang mga operators at drayber.
Kung mapagbibigyan ng susunod na administrasyon, malaking tulong ito para sa lahat.
Ngunit sa ngayon, talagang tiis-tiis muna at kung kailangang sumunod sa gobyerno, gawin natin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments