ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 18, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagtayo ng isang One Person Corporation (OPC), at ako ay nagtalaga ng aking nominee at alternate nominee para rito. Subalit nais ko sana silang palitan. Ano ang maaari kong gawin? – Minda
Dear Minda,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 11232 o mas kilala bilang Revised Corporation Code of the Philippines. Nakasaad sa Section 126 ng nasabing batas ang sumusunod:
“SEC. 126. Change of Nominee or Alternate Nominee. – The single stockholder may, at any time, change its nominese and alternate nominee by submitting to the Commission the names of the new nominees and their corresponding written consent. For this purpose, the articles of incorporation need not be amended.”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang single stockholder ng isang One Person Corporation (OPC) ay maaaring magpalit ng kanyang mga nominees sa pamamagitan ng pagsumite ng pangalan ng mga nasabing nominees, kalakip ang kanilang written consent, sa tanggapan ng Securities and Exchange Commission (SEC). Malinaw din na nakasaad sa batas na ang Articles of Incorporation ay hindi na kailangan pang baguhin upang bigyang bisa ang pagtalaga ng mga bagong nominees. Ang pagsumite ng pangalan ng bagong nominee sa SEC ay sapat na upang mabigyang bisa ang nasabing pagpapalit.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments