Pagpapalayas sa tenant na tatlong buwan pumalya sa renta
- BULGAR
- Dec 15, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 15, 2022
Dear Chief Acosta,
Kami ng pamilya ko ay nakatira sa bahay na inuupahan lamang namin. Aaminin kong may mga pagkakataong hindi kami nakababayad ng upa, ngunit mas marami pa rin ang pagkakataong nakabayad kami kumpara sa mga buwan na hindi kami nakabayad. Pinaaalis na kasi kami ng may-ari ng bahay at maghahain diumano siya ng ejectment na kaso. Maaari ba kaming magpatulong sa inyo? Mayroon akong nabasa noon na hindi kayo humahawak ng ejectment. Sana ay makatugon kayo. - Vincent
Dear Vincent,
Ang hindi pagbabayad ng upa na may kabuuang tatlong buwan ay isa sa mga maaaring gawing basehan ng pagpapaalis sa taong nangungupahan. Ito ay alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 9653 o mas kilala bilang“Rent Control Act of 2009”. Ayon sa nasabing batas:
“Section 9. Grounds for Judicial Ejectment. - Ejectment shall be allowed on the following grounds:x x x
(b) Arrears in payment of rent for a total of three (3) months: Provided, That in the case of refusal by the lessor to accept payment of the rent agreed upon, the lessee may either deposit, by way of consignation, the amount in court, or with the city or municipal treasurer, as the case may be, or barangay chairman, or in a bank in the name of and with notice to the lessor, within one (1) month after the refusal of the lessor to accept payment. x x x”
Kung mapatunayan ng nagpapaupa na saklaw ang inyong sitwasyon sa nabanggit na probisyon ng R.A. No. 9653 o sa iba pang balidong dahilan ng pagpapaalis, ayon sa nasabing batas ay ikinalulungkot naming ipaalam na hindi mapipigilan na kayo ay kanilang paalisin. Karapatan din nilang maghain ng kaukulang aksyon sa hukuman laban sa inyo para maisakatuparan ang nasabing pagpapaalis.
Gayunman upang maprotektahan ang inyong karapatan at/o maisulong ang inyong depensa, kung mayroon man ay maaari kayong sumangguni sa pinakamalapit na PAO District Office sa iyong tirahan. Mangyaring dalhin ninyo ang mga dokumento na mayroong kaugnayan sa inyong problema upang ito ay mapag-aralan namin. Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall o hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsya. Para na rin sa kalinawagan ng lahat, hindi maaaring humawak ang mga abogado ng PAO ng ejectment cases kung ang irerepresenta ay ang may-ari o nagpapaupa, hindi ang nangungupahan. Malinaw itong nakasaad sa 2021 Binagong Manwal Para sa Operasyon ng Tanggapan ng Abogado ng Bayan o Public Attorney's Office (PAO):
“ARTICLE 7. Mga Taong Hindi Kwalipikado na Bigyan ng Serbisyo Legal. Ang mga Manananggol Pambayan at ang iba pang kawani ng PAO ay hindi pinapayagang magbigay ng serbisyo sa mga sumusunod:
x x x
4. Mga nagpapaupa ng lupa o gusali na pantirahan, pangsakahan o pangkomersyo at kung anumang pwedeng paupahan, tungkol sa pagsampa ng kaso na ang layunin ay mangolekta ng renta/upa o magpalayas laban sa mga nakatira o naninirahan sa nasabing lupa o gusaling pinauupahan. x x x”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Kung kayo ay sasadya sa aming district office ay magdala na rin ng alinman sa mga sumusunod na proof of indigency: (a) pay slip, income tax return (ITR) at iba pang patunay ng inyong kinikita (proof of income); (b) certificate of indigency mula sa inyong Barangay; o (c) certificate of indigency mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakasasakop sa inyong lugar.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments