Pagpapalayas sa pasaway na tenant
- BULGAR
- Nov 23, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 23, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagpapaupa ng bahay. Nakapaloob sa kasunduan ng upa na ang nasabing bahay ay eksklusibong gagamitin bilang tirahan at ito ay hindi maaaring gamitin sa ibang layunin. Noong nakaraang buwan ay napag-alaman ko na ang kasalukuyang nangungupahan ay naglagay ng car wash sa bahagi ng garahe, na sakop pa rin ng bahay. Dahil dito ay tinanggal at pinalitan nila ang gate ng aking bahay nang walang pahintulot. Maaari ko ba silang paalisin kahit hindi pa tapos ang panahon na nakasaad sa aming kontrata? - Jermaine
Dear Jermaine,
Para sa iyong kaalaman, ang iyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act No. 386 o mas kilala bilang “New Civil Code of the Philippines.” Nakasaad sa Article 1673 na:
“Article 1673. The lessor may judicially eject the lessee for any of the following causes:
When the period agreed upon, or that which is fixed for the duration of leases under articles 1682 and 1687, has expired;
Lack of payment of the price stipulated;
Violation of any of the conditions agreed upon in the contract;
(4) When the lessee devotes the thing leased to any use or service not stipulated which causes the deterioration thereof; or if he does not observe the requirement in No. 2 of article 1657, as regards the use thereof.” (Binigyang-diin)
Malinaw sa nabanggit na batas na ang nagpapaupa ay may karapatang paalisin ang nangungupahan kapag iniba ng huli ang paggamit sa pinapaupang ari-arian mula sa napagkasunduan. Gayunman, bagama’t may karapatan ang nagpapaupa na magsampa ng kaso laban sa nangungupahan, ito ay marapat na naaayon sa pamamaraang itinakda ng batas. Kaugnay nito, nakasaad sa Section 2, Rule 70 ng 1997 Revised Rules on Civil Procedure na:
“Section 2. Lessor to proceed against lessee only after demand. — Unless otherwise stipulated, such action by the lessor shall be commenced only after demand to pay or comply with the conditions of the lease and to vacate is made upon the lessee, or by serving written notice of such demand upon the person found on the premises if no person be found thereon, and the lessee fails to comply therewith after fifteen (15) days in the case of land or five (5) days in the case of buildings.”
Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, bagama’t ang nagpapaupa ay may karapatang magpaalis ng nangungupahan sa pagkakataong itinakda ng batas, ang pagsampa ng kaukulang kaso upang mapaalis ang nangungupahan ay maaari lamang gawin matapos na igiit ng nagpapaupa ang tungkulin ng nangungupahan sa pagbabayad o pagtupad sa kanilang kasunduan, at ang pagpapaalis rito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments