Pagpapababa ng presyo ng bilihin, ‘wag puro pramis!
ni Ryan Sison - @Boses | April 7, 2022
Matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas nang 4% ang inflation rate ngayong Marso, nangako ang Malacañang na gagawin nito ang lahat para mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
Ayon sa PSA, ang dahilan ng mabilis na pagtaas ng inflation noong Marso ay ang pagkain at non-alcoholic beverages, housing, water, electricity, gas at iba pang fuels at transportasyon.
Matatandaang bahagya itong tumaas kumpara sa 4.1% noong Marso 2021, pero pasok pa rin sa 2-4% target ngayong 2022.
Samantala, tiniyak ni Communications Secretary at acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na hindi nagpapabaya ang economic managers ng gobyerno at masusing binabantayan ang inflation.
Ayon sa Official Gazette, ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng ilang pangkaraniwang serbisyo at produktong binibili ng mga konsumer.
Habang tinitiyak ng pamahalaan na mapapababa ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, sana’y hindi ito puro pangako lamang, lalo pa’t walang katiyakan ang pagtataas ng minimum wage.
Grabeng paghihigpit na ng sinturon ang ginagawa ng mga ordinaryong mamamayan, kumbaga, pahirap nang pahirap ang pagba-budget para makaraos araw-araw, kaya sana, bilisan pa natin ang pagkilos.
Bukod sa mahigpit na pagbabantay sa inflation, kailangan din nating matiyak na hindi naabuso ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Malaking tulong ito sa mga mamamayang nagsisikap na maitawid ang bawat araw.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments