top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagluluwag ng restriksyon sa PUVs, sabayan ng pag-iingat

BULGAR
Sep 28, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 28, 2022


Upang magamit nang husto ang mga espasyo sa mga pampublikong sasakyan nang hindi labag sa public health safety protocols, ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) na payagan ang mga nakatayong pasahero sa mga pampublikong sasakyang bumabiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.


Ayon sa memorandum na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tanging public utility bus (PUB) at Class 2 na modern public utility jeepney (MPUJ) ang papayagang magkaroon ng nakatayong pasahero.


Para sa Low-Entry/Low Floor PUB, 15 ang papayagang maximum standing passenger at may one-person apart; sa Coach-type PUB naman, 10 maximum standing passenger at one-person apart; at sa MPUJ Class 2, 5 maximum standing passenger na may one-person apart.


Kasabay ng pagluluwag ang paalala ng LTFRB sa mga driver at operator na sundin ang mga polisiya at alituntunin ng ahensya sa lahat ng oras.


Matatandaang ang pagbabawal sa mga nakatayong pasahero ay kabilang sa mga restriksyon na ipinatupad sa mga pampublikong sasakyan noong kasagsagan ng mahigpit na protocols dahil sa COVID-19 pandemic.


Ang bahagyang pagluluwag na ito ay may malaking tulong sa mga pasahero.


‘Yun nga lang, kailangang matiyak na ang lahat ng pasahero ay sumusunod sa health protocols, lalo na ang pagsusuot ng face mask at physical distancing kung nakatayo.


Pakiusap naman sa mga driver at kundoktor, ‘wag naman sanang sumobra sa itinakdang bilang ng nakatayong pasahero. Tiyaking nakagagalaw pa rin ang mga pasahero sa loob.


Isa pa, sana’y magkusa ang mga pasahero na sumunod sa itinakdang panuntunan at ‘pag nakitang hindi na ubra, ‘wag nang ipilit na makasakay.


Tandaan na ang pagluluwag ay dapat sabayan ng pag-iingat at hindi pagpapasaway.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page