Pagluluwag ng restriksiyon, malaking tulong sa turismo
ni Ryan Sison - @Boses | March 3, 2022
Malaking tulong sa sektor ng turismo ang desisyon ng pamahalaan na ilagay ang Metro Manila at 38 pang lugar sa Alert Level 1 mula noong Marso 1, 2022.
Ito ang tugon ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat dahil nagpapakita umano ito na unti-unti na ring nakakarekober ang bansa sa epekto ng pandemya.
Mas madali nang makakabiyahe sa iba’t ibang lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 status tulad ng Baguio, Boracay, Ilocos region, Aurora, Batanes, Laguna, Puerto Princesa City, Guimaras, Camiguin at Davao City.
Dahil dito, inaasahan din aniya nila na mabubuhay ang maraming tourism jobs at opportunities na nawala dahil sa pandemya.
Samantala, bagama’t hindi na required ang health declaration forms, obligadong magpakita ng patunay ang mga edad 18 pataas na sila ay fully vaccinated bago payagang makapasok sa mga establisimyento at venues tulad ng tourist attractions.
Habang naniniwala tayong magandang balita ang pagluluwag na ito dahil mas maraming makakabalik sa kani-kanilang hanapbuhay, paraan na rin ito upang mas madaling makabangon ang sektor ng turismo. Lalo pa’t sila ang unang naapektuhan mula nang magkaroon ng paghihigpit dahil sa COVID-19 pandemic.
Pakiusap sa mga lokal na pamahalaan, tiyaking ligtas ang inyong nasasakupan at sumusunod pa rin sa health protocols ang pamunuan ng mga tourist destination, anumang alert level ang umiiral sa inyong lugar.
At para sa mga turista, tulad ng palagi nating paalala, ‘wag kalimutan ang pag-iingat at disiplina.
Ito ang mahalagang hakbang upang maiwasan ang hawahan at patuloy tayong makapamuhay nang ligtas sa ‘new normal’.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments