Paglobo ng teenage pregnancy, nakakaalarma na
- BULGAR

- Mar 11, 2021
- 1 min read
@Editorial | March 11, 2021
Sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic, tila hindi ito naging hadlang sa mga kabataan para umalagwa. Isa sa nagiging resulta ay ang maagang pagbubuntis at pagpapamilya.
Base sa datos ng Commission on Population and Development, natukoy na noong 2020 ay pumalo sa 70,755 ang menor-de-edad na nagkapamilya. Inaasahang tataas pa ito sa 133, 265 sa katapusan ng taong 2021.
Nakakaalarma dahil sa gitna ng pandemya ay marami na tayong inaalala mula sa kung paano maitatawid ang araw-araw na gastugin hanggang sa pangangalaga sa kalusugan ng bawat isa laban sa virus at iba pang sakit.
Sa halip na mas nakatuon lang tayo sa laban sa COVID-19, kailangan na ring mas gabayan pa ang kabataan.
Napakatagal nang problema ang teenage pregnancy at may mga programa at grupo naman nang nabuo para umalalay sa ganitong isyu. Gayunman, iba pa rin kung magsisimula talaga sa pamilya ang pagtuturo at gabay upang maiwasan ang maagang pagbubuntis.
Hindi maitatangging hanggang ngayon ay marami pa ring magulang ang naiilang o hindi alam kung paano bubuksan ang usapan hinggil sa ‘sex’. Kaya sa halip na sa kanila nagtatanong ang mga anak ay napupunta sa maling tao o pamamaraan.
Dagdag pa ang mga malalaswang babasahin na nakabalandra kung saan-saan at ang mga porn site na sobrang daling ma-access.
At mula sa tahanan, dapat ding paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng kanilang mga programang pang-kalusugan.
Nakababahala na sa gitna ng pandemya ay baka lalo pang lumobo ang bilang ng mga batang ina at ama na malalagay sa alanganin ang kinabukasan.



Comments