top of page
Search
BULGAR

Paglipat sa HTP maaring magbawas ng polusyon

ni Chit Luna @News | September 20, 2024



File photo

Isang pag-aaral ang nagmungkahi na ang paglipat mula sa paninigarilyo patungo sa paggamit ng heated tobacco product (HTP) ay maaaring makabawas ng polusyon sa loob ng bahay at kaugnay na mga sakit.


Ayon sa pag-aaral na "Heated Tobacco Products: Potentials of Harm Reduction, Improvement of Indoor Air Quality and the Need for Further Studies," ang aerosol mula sa tobacco harm reduction products tulad ng HTP ay hindi katulad ng usok mula sa sigarilyo at hindi nagdudulot ng parehong panganib.


Sinabi ng pag-aaral na malinaw ang konklusyon na hindi usok ang aerosol dahil naglalaman lamang ito ng maliit na bahagi ng mga mapanganib at potensyal na mapanganib na mga compound na matatagpuan sa usok ng sigarilyo.


Inilathala sa SciEnggJ, ang opisyal na journal ng Philippine-American Academy of Science & Engineering o PAASE, ang pag-aaral ay isinulat ni Aldwin A. Camance, isang chemical engineer at masugid na tagapagtaguyod ng climate change mitigation at sumulat ng mahigit 50 environmental impact assessments. Siya rin ay isang senior technical consultant sa Prism Express Consulting.


Ang lahat ng kalkulasyon ay nagtatantya ng pagbawas sa posibleng pagkamatay at insidente ng kanser dahil sa paglipat sa HTP, ayon sa pag-aaral ni Camance.


Sinabi ng Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP) na ang konklusyon ng pag-aaral ay nagpapatunay na ang nikotina ay hindi ang problema, kundi ang paraan ng pagkonsumo nito sa pamamagitan ng pagsunog.


Sa pamamagitan ng paggamit ng mga walang usok na pamamaraan tulad ng HTP, ang mga tao ay maaaring patuloy na masiyahan sa nikotina habang potensyal na binabawasan ang polusyon o pinsala sa loob o labas ng bahay, ayon kay Anton Israel, presidente ng NCUP.


Sinabi ni Camance na ang polusyon sa hangin at usok ng sigarilyo ay kabilang sa nangungunang limang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Dahil maraming oras ang ginugugol ng mga Pilipino sa loob ng bahay, ang paglipat sa HTP ay maaaring potensyal na mabawasan ang panganib ng mga sakit na ito, ayon sa kanyang pag-aaral.


Ang HTP ay isang bagong paraan ng paghahatid ng nikotina na idinisenyo bilang mas mainam na alternatibo sa tradisyonal na sigarilyo.


Ang isang kilalang brand ng HTP sa Pilipinas ay IQOS, na ipinakilala sa merkado noong 2020. Pinaiinit nito, nang hindi sinusunog, ang espesyal na idinisenyong mga stick ng tabako na tinatawag na TEREA para maghatid ng nikotina nang walang usok at abo.


Sinuri ng papel ni Camance ang 282 pag-aaral, pananaliksik, libro at salaysay na may kaugnayan sa paggamit ng HTP. Karamihan sa mga pag-aaral na ito ay nagmula sa database ng PubMed at ScienceDirect.


Ang mga pag-aaral na ito ay nagpapakita ng pagkabawas ng mapanganib na compound (HPHC) sa aerosol, at mas mababang konsentrasyon ng HPHCs sa loob ng bahay kapag gumagamit ng HTP, kumpara sa usok ng tabako.


Kinakitaan din ng makabuluhang pagsang-ayon na ang ganap na paglipat sa paggamit ng HTP mula sa paninigarilyo ay mas hindi nakakapinsala, ayon kay Camance.


Sa isang pag-aaral, nakitaan na ang mga biomarker dahil sa HPHCs ay lubhang mas mababa sa mga gumagamit ng HTP kumpara sa mga naninigarilyo. Gayunpaman, binigyang-diin ng pag-aaral ang pangangailangan para sa mas matagal na pagsubok para kumpirmahin ang mga natuklasan nito.


Sinabi ng pag-aaral na kung ang mga internasyonal na natuklasan tungkol sa potensyal na pagbabawas ng pinsala ng HTPs ay totoo, ang paglipat mula sa mga sigarilyo patungo sa HTP ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng malawakang programa para mabawasan ang mga sakit sa Pilipinas.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page