Paglipat ng P47.6-B pondo ng DOH sa PS-DBM, utos ni Duterte — Duque
ni Angela Fernando @News | May 4, 2024

Ipinaalam ni dating Health Sec. Francisco Duque III sa isang panel ng House of Representatives na inilipat niya ang P47.6-bilyong pondo ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng suplay laban sa COVID-19 na iniutos ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig na isinagawa ng House committee on appropriations, nilinaw ni Duque sa mga miyembro ng panel na utos ni Duterte ang paglipat ng pondo na sinabi sa kanilang lingguhang pagpupulong na programang Talk to the People.
Binigyang-diin naman ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers party list Rep. France Castro ang ginawang paglilinaw ng dating Health Sec.
“So it’s clear. P47.6 billion to be transferred to PS-DBM, publicly announced by the former President Duterte,” saad ni Castro.
Iginiit ni Duque na nasa loob ng kanyang otoridad ang paglilipat ng pondo ng DOH sa PS-DBM para sa pagbili ng mga proteksiyon at iba pang mga suplay para sa estado ng pampublikong kalusugan.





Comments