top of page

Paglilinis sa pambansang pulisya sa ilalim ng Marcos admin, dapat matagumpay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 4, 2023
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | February 4, 2023


Kailangang maging malinis ang imahe ng pulisya.


Mula nang mawala sa puwesto si ex-PNP Chief Guillermo Eleazar, nag-backslide ang mga parak.


◘◘◘


ANG terminong “backsliding” ay unang ginamit sa panahon ng Martial Law nang ipakilala ang “Bagong Lipunan”.


Hindi lang ang military at pulisya ang isinailalim sa matinding disiplina dahil kasama na ang mga government officials at ordinaryong mamamayan.


◘◘◘


ANG mga nagbabalik sa masamang ugali o behavior sa panahon ng Bagong Lipunan ni dating Pangulong Marcos Sr, ay binabansagang “backslider”.


Mula noon, nalimutan na ang pagtatangka na ayusin ang moralidad ng mga Pinoy.


◘◘◘


MARAMI ang nakikiusap na gawing patas ng pulisya ang pagtrato sa mamamayan.


Ito ay upang hindi sila maakusahang may pinapanigan sa paghawak ng mga kaso.


Kamakailan, may kakaibang sitwasyon na naranasan ang isang kongresista.


◘◘◘


MAY kaugnayan ito sa isyung na-revoke diumano ang mga lisensyadong baril na pag-aari ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves.


Ito ay dahil diumano sa kakulangan o maling dokumento na isinumite nito sa Philippine National Police (PNP).


◘◘◘


SINASABING kakaiba ito dahil tila pinasolo at ipinahayag ito sa media, samantalang sigurado na hindi lamang ang mambabatas ang nagkaroon ng ganitong karanasan.


Bakit kaya kinakailangang ilabas sa pahayagan at tanging si Teves ang pinangalanan ng kapulisan? Nakakapagduda ang motibo.


◘◘◘


ANG naturang kongresista lang ba ang pulitiko na nagkaroon ng ganitong kaso sa PNP?


Paano ang ibang pulitiko o ordinaryong nagmamay-ari ng baril na hindi naka-renew o mayroon ding kulang o mali sa requirements?


◘◘◘


SA hinaba-haba ng panahon, bakit ngayon lang nakita o napuna ang ganyang sitwasyon?


May nasa likod ba ng pagpapakalat ng pangyayari na ito?


◘◘◘


SA totoo lang, dapat maging patas at gumalaw nang akma ang PNP upang maging buo ang tiwala ng mamamayan sa ating mga kapulisan.


Hindi dapat mabahiran ng pulitika ang pambansang pulisya.



◘◘◘


NAPAKAGANDA ng mithiing purgahin o balasahin ang pulisya dahil kailangang magbagong-anyo ito sa ilalim ng administrasyong Marcos.


May sapat pang panahon para makarekober mula sa negatibong imahe ang PNP.


Ipagdasal nating magtagumpay sila sa kanilang pagnanasang ayusin ang mga sigalot at gusot sa loob at labas ng pambansang pulisya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page