top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Paglalagay ng mukha ng pulitiko sa certificate, iba pang public documents, stop!

Writer: BULGAR
BULGAR
May 31, 2024
1 min read

@Editorial | May 31, 2024



Editorial


‘Yung tatanggap ka ng certificate of honors pero mas malaki pa ang mukha ng pulitiko kesa pangalan mo, puwede ‘yun?!


Nagkalat ngayon sa mga post online ang mga larawan ng certificate na tinanggap ng mga estudyante na may malaking mukha ng pulitiko.


Sa inis ng mga estudyante, may mga nag-caption pa sa photo na, “ako ang nag-aral, ba’t parang si mayor ang nagka-award?”. Habang sa comment section, puro “congratulations” naman sa pulitiko ang mababasa.


Nalulungkot din ang mga magulang dahil nag-aalangan sila kung ipapaskil ba sa dingding ng bahay ang certificate na para sa anak pero agaw-eksena ang pagmumukha ng ‘epalitiko’.


Pinapayagan ba talaga ang ganitong galawan? Okay lang ba ‘pag sinabing galing naman daw sa bulsa ng pulitiko ang gastos sa ipinamimigay na certificate?


Matatandaang sa mga nagdaang pamunuan, mahigpit na ipinagbawal ang pagdo-donate ng mga award at certificates dahil hindi raw maitatanggi na isa itong diskarte ng pangangampanya o pag-epal sa selebrasyon na dapat ay para sa estudyante, guro at magulang.


At ang ganitong istayl ay ginagawa rin ng ibang lingkod-bayan kuno. Kung saan, may ilang barangay certificate din ang may mukha ni kapitan, ang mas malupit, ‘yung sa iba, kasama pati mga kagawad. Bukod sa binabayaran na nga ng nasasakupan ang certificate, masakit pa sa mata na makita ang kaepalan ng mga pasaway na opisyal. Sana ay magkaroon naman ng hiya. 


Ang tunay at tapat na serbisyo, nararamdaman at nakikita ng taumbayan, hindi kailangang ipangalandakan sa pamamagitan ng pagbalandra ng pangalan at mukha sa kung saan-saan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page