top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Paglabas ng mga na-swab test kahit bawal, nakadidismaya!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 17, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 17, 2021



Alam natin na kapag sumailalim sa swab test, kailangan ding mag-quarantine nang sa gayun at maiwasan ang hawaan kung sakaling may nagpositibo at saka lamang papayagang lumabas kung magne-negatibo.


Gayunman, hindi ganito ang nangyari sa isang lugar sa Makati City dahil matapos magpa-swab test ng mahigit 500 residente, hindi napigilang lumabas ng ilan sa mga ito.


Matapos masita ng mga tanod, kani-kanyang katwiran ang mga ito kung saan may nagsabing, nagpapahangin lang dahil mainit sa kanilang bahay, habang ang iba naman ay nakiusap na lumabas para bumili ng pagkain kahit may ayuda mula sa barangay.


Ayon sa pamahalaang lungsod, nakapagpamigay ito ng mahigit 500 food packs mula noong Sabado at bagama’t pinapayagan ang pagpapa-deliver, dapat cashless at iaabot na lang ang pagkain.


May mga pagkakataon talagang hirap sumunod ang ating mga kababayan at nakadidismaya dahil parang hindi nila nauunawaang hindi lang ito para sa kanila kundi para rin sa nakararami.


Siguro, ang isa sa mabuti nating magagawa ay maging mabuting ehemplo sa bawat isa — may posisyon man sa gobyerno o wala.


Minsan kasi, hindi sineseryoso ng publiko ang umiiral na health protocols dahil nakikita nilang parelaks-relaks din ang mga may katungkulan sa gobyerno.


Kaya kabilang sa ating mga panawagan, umasta tayo nang naaayon sa ating sitwasyon, at ‘pag sinabing bawal, talagang dapat bawal.


Ang hirap kasi sa atin, puro tayo pagbabawal sa taumbayan, pero ang ending, ‘yung mga opisyal pa ang pasimuno sa paglabag.


Gayunman, tayong mamamayan ay may dapat ding gawin. Maging masunurin at disiplinado sa lahat ng oras at ‘wag nang hintayin na magkasitahan bago sumunod.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page