Paglaban sa ilegal na droga, dapat seryosohin
- BULGAR
- Jul 28, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 28, 2023
Isang napakalaking hakbangin ang isinagawa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (P-BBM) nang tanggapin nito ang isinumiteng resignation ng 18 third level officer ng Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa operasyon ng ilegal na droga.
Napakalaking patunay nito na seryoso ang pamahalaan sa pagpapatibay ng tiwala ng publiko sa pulisya. Magsisilbi itong leksyon sa ating mga pulis upang ipaalala na walang lugar sa serbisyo ang pang-aabuso ng kapangyarihan at pagtalikod sa sinumpaang tungkulin.
Kaya isang pagsaludo ang handog natin kay P-BBM dahil sa matinding pananagutang binitawan niya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na magpapatuloy at mananatili ang peace and order sa bansa dahil ang patuloy na pagsisikap ng administrasyong ito na sugpuin ang ilegal na droga at kriminalidad ay habambuhay na uukit na sa ating kasaysayan.
Ang ginawang pagtanggap ni P-BBM sa pagbibitiw ng mga opisyal ng PNP ay base sa rekomendasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) Ad Hoc Advisory Group na silang namahala sa pag-iimbestiga sa kinasasangkutan ng naturang mga opisyal.
Tinanggap ng ating Chief Executive ang courtesy resignation ng 18 opisyal ng PNP na binubuo ng tatlong heneral at mga koronel habang inirekomenda naman ng advisory group na huwag tanggapin ang courtesy resignation na isinumite ng may 935 iba pang PNP official na napatunayang maayos na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin lalo na sa pagsugpo ng bawal na droga.
Alam nating simula pa lang ito ng ating magiging mahabang pakikibaka para tuluyang sugpuin ang kriminalidad sa bansa, at pangunahin nga dito ang paglilinis sa hanay ng PNP upang makasiguro tayo na magiging epektibo ang mga hakbangin na iligtas sa pagkagumon sa bawal na gamot ang ating mga kabataan.
Isinagawa ni P-BBM ang kanyang anunsiyo, isang araw matapos ang kanyang SONA sa Batasang Pambansa kasabay ng pangakong hindi dito nagtatapos ang lahat bagkus ay simula pa lamang umano ito ng seryosong kampanya para igupo ang sindikato ng droga.
Hindi rin umano dapat mag-relax ang mga kaanib ng PNP dahil tuluy-tuloy pa rin ang isasagawang monitoring hindi lang sa mga kaanib ng PNP kundi maging sa lahat ng nakikipagsabwatan sa kanila.
Ramdam ang pagiging seryoso ni P-BBM dahil nais niyang italaga sa matataas na posisyon sa PNP ang mga opisyal na walang kuwestiyon sa kanilang integridad at maaaring mapagkatiwalaan na hindi ipagpapalit sa kayamanan ang kanilang pagiging pulis.
Nangako si P-BBM na lilinisin niya ang hanay ng PNP sa mas mabilis at epektibong paraan dahil naniniwala umano siya na hindi magiging matagumpay ang operasyon ng ilegal na droga sa bansa kung walang kasangkot na opisyal ng PNP.
Hindi naman natin pwedeng balewalain ang ulat ng NAPOLCOM Ad Hoc Advisory Group dahil may mga hawak silang ebidensiya hinggil sa pagkakasangkot ng mga PNP officials kaya tinanggap na ng Pangulo ang kanilang pagbibitiw.
Sana lang ay hindi dito magtapos ang lahat, kailangang magsagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon at mangalap pa ng mas matitinding ebidensya na mag-uugnay sa 18 opisyal upang masampahan ng kaukulang kaso at makamit natin ang karampatang hustisya.
Hindi kasi sapat na magtatapos ang kanilang pananagutan dahil nagbitiw na sila sa puwesto, paano na ang mga naging biktima ng bawal na droga, ‘yung mga nasira na ang buhay, ‘yung mga nasadlak na sa krimen dahil sa pagkagumon — dapat ay makamit din nila ang hustisya.
Kaya nga umaapela tayo sa ating Department of Justice (DOJ) at sa PNP na ipagpatuloy ang pagkalap ng mga karagdagan pang ebidensya na mag-uugnay sa mga tiwali, hindi mapagkakatiwalaan at mga nakakahiyang PNP officials na ito upang makamit ang katarungang inaasam ng sambayanang Pilipino.
Sa ngayon ay patuloy na binabantayan ang nagsipagbitiw na 18 PNP officials matapos na sibakin na rin sa kani-kanilang mga puwesto at agad na itinalaga sa Personnel Holding and Accounting Unit, DPRM (Directorate for Personnel and Records Management) upang hindi nila maimpluwensiyahan o makagawa pa ng ilegal na aktibidades gamit ang kanilang posisyon.
Nakikita natin ang pagsisikap ng mga matitinong pulis at kung paano nila itinataya ang kanilang buhay para lamang masakote ang bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu tapos ay malalaman natin sa huli na sa wala rin pala mapupunta ang lahat dahil lang sa ilang tiwaling opisyal ng PNP.
Ganitong-ganito ang nangyari sa kaso ni Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr., intelligence officer na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Special Operations Unit na isang best anti-drug police officer bago ito nasakote sa P6.7 bilyong halaga ng shabu.
Sa ngayon ay patuloy tayong makikipagtulungan sa ating Pangulo para lalong mas maging malinis ang pulisya at para siguruhin na ang matitira lamang ay ‘yung ang intensyon ay “To serve and protect the Filipino people”.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments