Paglabag ng mga negosyante sa paggamit ng price tag, ‘di dapat dedmahin
ni Ryan Sison - @Boses | April 28, 2022
Isang supermarket sa Makati City ang pinadalhan ng show cause order ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa umano’y hindi paglalagay ng price tag sa ilan sa kanilang produkto.
Ito ay matapos ang isinagawang price and supply monitoring sa Basic Necessities and Prime Commodities (BNPC) ng Department of Trade and Industry-Consumer Protection Group (DTI-CPG) sa tatlong supermarket sa lungsod.
Paliwanag ng kagawaran, binigyan ng show cause order ang naturang supermarket dahil sa kawalan ng price tag ng ilan sa kanilang produkto. Bagay na taliwas sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Sa ilalim kasi ng batas, ipinagbabawal ang pagbebenta at pag-aalok sa mga mamimili ng anumang produkto na walang maayos na price tag o label, o mas mataas ang presyo kumpara sa mga tag.
Sa totoo lang, matagal nang nangyayari ang ganito at ‘di na puwedeng isawalambahala.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, sipagan pa ang paglilibot sa mga pamilihan upang malaman kung lahat ba ng negosyante ay sumusunod sa batas.
Dahil kung may isang lalabag, malamang na tutularan ito ng iba, at ang ending, maraming mang-aabuso at kawawa ang mga mamimili.
Marami sa kanila ang nagsisikap na pagkasyahin ang budget para sa pang-araw-araw na pangangailangan kaya bumabase lang sa price tag ng mga bilihin. At kung wala nito, apektado ang pagba-budget.
Kaya plis lang, tiyakin nating nasusunod ang batas at mananagot ang sinumang lalabag. Patunayan nating seryoso tayo sa batas para sa kapakanan ng mga konsumer.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments