ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Sep. 27, 2024
Ang bawat Setyembre ay Suicide Prevention Month at ang bawat ika-10 ng Setyembre ay World Suicide Day. Itinatag ang mga okasyong ito bilang pagbibigay-diin sa malawakang usapin ng pagpapakamatay, na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagpanaw sa buong daigdig.
Nakaaalarma ang konsepto ng pagkitil ng sariling buhay, higit lalo ang datos na ang karamihan sa mga gumagawa o nakakaisip nito ay mga kabataan, sila na malayo pa sana ang mararating ngunit nawalan na ng tsansang mabuhay. Madalas ay nasasadlak sila sa depresyon sa gitna ng mga nakikitang social media post ng mga kaklase, kaibigan o kamag-anak, na nagbubulid sa kanila para lalong maihambing ang kanilang katayuan sa iba.
Bata man o hindi na, Pilipino man o banyaga, walang dapat maging biktima ng pagpapatiwakal sapagkat maiiwasan ito kung magtutulung-tulong ang lipunang hindi dapat maging bulag sa kalagayan ng kanyang kapwang may pinagdaraanan.
Kahit pa bumaba na ang bilang ng tumatawag sa mga lokal na suicide hotline,’di kagaya noong kasagsagan ng pandemya, kinakailangan pa ring maging alisto at nagtutulungan laban sa mga banta sa katiwasayan ng isipan o mental health.Kung saka-sakaling may kakilala tayong tila nagmumukmok o nagpapahiwatig ng sukdulang pagkabigo, sila ay kumustahin, dinggin at kausapin ng kahit ilang sandali upang pagmalasakitan. Ang simpleng pagpaparamdam at pagtatanong sa kanilang kalagayan ay katumbas ng pagpapahalaga sa dignidad at pinagmulan ng ating buhay.
Kung saka-sakaling ang bagay na ito ay nagiging panaka-nakang laman ng isipan ng nagbabasa ng pahayagang ito, iyong alalahanin: Hindi ka isang estadistika kundi isang nilalang na mayroong saysay ang buhay, at may taglay na mga katangiang makapagpapainog ng mundo ng iba kahit sa munting paraan. Kailangan ka ng iyong kapwa. Mahirap mang unawain habang maulap ang sariling papawirin, sa huli ay magiging maaliwalas ang iyong kinabukasan kung kakapit ka lamang.
Sa isang banda, kahit sino, maykaya man o mahirap, may pamilya man o wala, masayahin man o malungkutin, ay may dalahin at pasanin sa buhay. Hindi tayo bukod-tanging nagtataglay ng sugat sa puso, ng suliranin sa pamilya o kakulangan sa pangangailangan. Hindi tayo nag-iisang hinampas o hinagupit ng pagsubok ng panahon. Kailangan nating lumaban at manaig sa dagok ng bawat yugto ng ating buhay.
Kung sa iyong palagay ay walang matatakbuhang kahit sino, manawagan sa isang hotline, lalo pa’t ang nasa kabilang linya ay makikinig at magpapayo nang walang panghuhusga. Kung isa kang mag-aaral, makipag-usap sa guidance counselor ng iyong paaralan, harapan man o online.
Maaari ring madaan sa payak na paraan ang pagpapalakas ng kalooban. Magpahinga, pumreno, huminga nang malalim, umidlip, uminom ng tubig, magmeryenda kasama ang kabagang, maglabas ng saloobin. Ugaliing maglakad-lakad, makinig ng musika at tumanaw sa kalawakan upang maibsan ang mga hamon sa isipan. Ang sapat na tulog ay nagdudulot ng lakas ng katawan at isipan — kalasag laban sa kalungkutan o depresyon.
Ang ating buhay ay hiram sa Maykapal na atin nawang maibalik sa Kanya na pinagyaman hindi lamang ang sarili kundi ang marami nating nakakahalubilo sa bawat araw.
Manalig sa halip na magpadaig. Marami pang ningning ang buhay na dapat nating mamalas kung tayo ay mananalig.
Mayroong mga muntik na sanang magwagi, na kung kailan abot-kamay na sana ang minimithing tagumpay ay doon pa bumitaw.
Huwag lalong magpadala sa maling akala — na akala mong walang nagpapahalaga sa iyo, na akala mong walang mawawalan kung mawala ka, na akala mong walang tumitingala at nagpapasalamat sa‘yo, na akala mong walang nagmamalasakit sa iyo.
Ang buhay ay tulad ng isang regalong kailangang buksan nang husto at namnamin upang mamalas ang kabuuang ganda nito.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments