Pagkilos ng DepEd para sa dekalidad na edukasyon, dapat lang!
ni Ryan Sison - @Boses | March 31, 2022
Kasabay ng pagbubukas ng mas maraming paaralan para sa physical learning, bumubuo ng recovery plan ang Department of Education (DepEd) para maging gabay ng mga paaralan upang matugunan ang learning gaps dahil sa pandemya.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, kailangang matiyak na epektibo ang ginagawang interventions ng kagawaran upang makasunod ang lahat at pare-parehas ang kalidad ng pagtuturo.
Kasama sa proposed policy ang pagpapalawig ng school calendar at oras ng klase, pagtatatag ng learning support center sa mga paaralan at community-based learning spaces, pagsasagawa ng summer learning remediation at intervention programs, gayundin ang hiring ng karagdagang learning support aides.
Plano rin ng kagawaran na palakasin ang Oplan Kalusugan at magpokus sa child protection, child online protection at pagkakaroon ng help lines o health lines.
Samantala, ipatutupad ang first phase ng learning recovery plan ngayong summer season, habang ang susunod na phase ay sisimulan sa susunod na academic years.
Magandang balita na may ginagawa ang kagawaran para matugunan ang mga isyu sa sektor ng edukasyon dahil ibig sabihin nito ay namulat na tayo sa iba’t ibang hamon dahil sa pandemya.
Matatandaang sa kauna-unahang pagkakataon, sumabak sa distance learning ang mga mag-aaral, kaya’t nasubok ang kakayahan at sipag ng mga estudyante at guro, gayundin, ang hirap dahil sa kakulangan ng kagamitan para maitaguyod ang edukasyon.
At ngayong mas maraming mag-aaral na ang balik-eskuwela, maraming pagbabago at kailangang matugunan at mapaghandaan natin ang mga ito.
Tiyak na marami pang nangangapa o naninibago sa sitwasyon, lalo na sa parte ng mga mag-aaral at magulang, kaya sana ay magabayan natin sila.
Hindi man madali ang pagtaguyod ng edukasyon sa gitna ng pandemya, kailangan natin itong tutukan para sa kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments