Pagkilala sa PCG personnel na nag-rescue sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc
- BULGAR

- Jul 3, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 3, 2024

Matapos ang ginawang pagsagip sa mga mangingisdang Pinoy mula sa sumabog na bangka malapit sa Bajo de Masinloc, binigyan ng parangal ang mahigit 60 personnel ng Philippine Coast Guard (PCG).
Tumanggap ang nasa 62 PCG personnel ng Bronze Cross para sa kanilang pagtugon sa insidente sa kabila ng ginawang pag-shadow at pagharang ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army (PLA) Navy.
Ayon sa PCG at sa mga mangingisdang Pinoy, hindi totoong ni-rescue sila ng mga Chinese personnel. Hinarang pa umano ng mga ito, ang mga bangkang tumulong sa mga biktimang Pinoy.
Sinabi ng mga nasagip na mangingisda, tumawag sila sa radyo para humingi ng tulong habang dumating ang isang Filipino boat at dinala sila sa paparating na barko ng PCG, ang BRP Sindangan.
Matatandaang noong June 29, dalawa sa walong mangingisdang Pinoy ang nasugatan, matapos na sumabog ang makina o engine ng kanilang fishing boat na Akio, sa layong 17 nautical miles southwest ng Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal o Panatag Shoal.
Idineploy ng PCG ang BRP Sindangan sa lugar at binigyan ng first aid ng kanilang mga nars ang dalawang mangingisda, kung saan nagtamo ng second degree burn dahil sa nangyaring pagsabog.
Pahayag ni PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, tinangka ng mga barko ng CCG at PLA Navy na i-block ang BRP Sindangan sa towing operation para sa half-submerged na bangka.
Sinabi rin ni Balilo na nag-uusap na ang PCG at CCG sa diplomatikong paraan habang isinantabi muna ang mga isyu sa soberanya.
Dumating naman na ang mga mangingisdang Pinoy sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Port sa Zambales nitong Lunes.
Maganda ang ginawang pagkilala sa mga miyembro ng PCG na sumaklolo at nagligtas sa mga kababayang mangingisda sa tiyak na kapahamakan.
Hindi nila inalintana ang panganib na puwedeng mangyari at posibleng aksyon ng miyembro ng CCG.
Kumbaga, hindi lamang tapang at lakas ng loob ang kanilang ibinigay, kundi ang tapat na pagseserbisyo para sa kanilang mga kababayang nangangailangan.
Hiling lang natin sa kinauukulan na bukod sa parangal para sa mga magigiting nating kababayan, sana ay bigyan din sila ng pinansyal na suporta na makatutulong sa kanila at sa kani-kanilang pamilya. Sa ganitong paraan kasi ay maipapakita natin sa kanila ang lubos na pagkilala sa ginagawang nilang pagsisilbi sa taumbayan at nararapat lamang din natin itong tumbasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments