top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagkaunti ng mga tambay, good news!

BULGAR
Jun 12, 2022
1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 12, 2022


Bagama't nananatiling tambay ang milyun-milyon nating kababayan, masasabi umanong mas mababa na ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.


Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.76 milyon na lamang o 5.7% ng mga Pilipino ang walang trabaho noong Abril.


Mas mababa umano ito kumpara sa 4.14 milyong walang trabaho noong Abril 2021 at 2.87 milyong walang trabaho noong Marso 2022.


Ayon pa sa PSA, ito na ang pinakamababang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho mula nang tumama ang pandemya, dalawang taon na ang nakararaan.


Sa totoo lang, magandang balita na mas maraming nakakapaghanapbuhay dahil ibig sabihin, nabawasan na ang mga tambay.


Marahil, malaking tulong ang mga job fair, mapa-local o overseas employment man.


Marami naman talagang gustong magtrabaho, ang problema lang, mailap ang oportunidad.


Pero kung tutuusin, malaking bilang pa rin ang higit dalawang milyong tambay, ngunit kung patuloy na magbubukas ang mga oportunidad, tiyak na bababa pa ito.


At sa nakalipas na Independence Day job fair, sana’y hindi nasayang ang higit 100,000 bakanteng trabaho dahil malaking tulong din ito sa mga nais maghanapbuhay, gayundin sa ekonomiya.


Upang magtuluy-tuloy ang pagbaba ng bilang ng mga kababayan, may obligasyon din ang gobyerno, at ‘yan ay ang lumikha ng mas marami pang trabaho.


Sila talaga ang dapat umalalay sa mamamayan — hindi upang magbigay ng ayuda para maitaguyod ang mga pangangailangan kundi para mabigyan sila ng pagkakakitaan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page