Pagkasunud-sunod ng mga sapilitang tagapagmana
- BULGAR
- Jan 8, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 8, 2023
Ang taong namatay na may iniwang mga ari-arian na kanyang naipundar noong siya ay nabubuhay pa ay maaaring magpamana sa mga taong nararapat na tumanggap ng kanyang pamamahagi. Ang mga naiwanang ari-arian, personal (personal properties) man o pag-aaring hindi natitinag (real properties) ay ang tinatawag na estate. Ang estate ay ang kabuuan ng mga ari-arian ng taong sumakabilang buhay na mula sa kanyang capital o paraphernal properties at kanyang parte mula sa mga absolute community properties o conjugal properties, kung mayroon man.
Ang mga ari-ariang ito ay paghahatian ng kanyang mga tagapagmana na maaaring sapilitang tagapagmana (compulsory heirs) o mga itinalagang tagapagmana (testamentary heirs). Sang-ayon sa batas, ang mga sumusunod ay ang mga sapilitang tagapagmana:
Lehitimong anak at inanak (descendants) sa kanilang lehitimong magulang at ninuno;
Sa kawalan ng mga nabanggit, lehitimong magulang o ninuno sa kanilang lehitimong anak at kaapuhan;
Ang lehitimong asawa na natirang buhay (widow/widower); at
Hindi lehitimong anak.
Pakatandaan lamang na para sa mga hindi lehitimong anak, kapag sila ay hindi kinilala ng kanilang ama, kinakailangan na patunayan nila ang kanilang filiation o relasyon sa kanilang ama, sang-ayon sa nakasaad sa batas na paraan ng pagpapatunay ng relasyon ng nasabing hindi lehitimong anak sa kanyang ama.
Ang mga magmamana ay tinawag na mga sapilitang tagapagmana hindi dahil sa sila ay pinipilit na tanggapin ang ipinamamana sa kanila kung hindi dahil sa sila ay hindi maaaring ipagwalang-bahala ng namayapa. Alinsunod ito sa intensyon ng tao na ang kanyang pagsusumikap ay laan para sa kanyang mga mahal sa buhay. Subalit hindi nangangahulugang pipilitin ang tagapagmana na tanggapin ang kanyang mana kung ito ay hindi niya nais tanggapin. Maaari niya itong tanggihan kung ito ang kanyang nanaisin at mapupunta ito sa iba pang mga itinalagang tagapagmana ng batas.
Ang hatian ng mga mana ay depende kung ang taong yumao ay may iniwang testamento o huling habilin. Sang-ayon sa batas, ang huling habilin ng namayapa ang susundin ng batas maliban lamang kung ang karapatan ng mga sapilitang tagapagmana ay maaapektuhan.
Kapag ang yumao ay may iniwang huling habilin o testamento, ang parte ng lehitimong anak ay kalahati (1/2) ng maiiwang estate ng namatay na nanay o tatay. Ang natitirang kalahati ng nasabing estate ay ang tinatawag na free portion. Sa free portion kukunin ang parte ng surviving spouse at ng mga hindi lehitimong anak at ang matitirang bahagi ay maaaring ipamahagi ng yumao sa kanyang huling habilin sa kung sino ang gusto niyang italaga. (Article 888, Civil Code)
Ang parte ng mga lehitimong anak ay naaayon sa kanilang bilang. Kapag iisa ang lehitimong anak, ang balong asawa ay magmamana ng ikaapat (1/4) na bahagi ng estate ng yumao. Kung dalawa o higit ang bilang ng lehitimong anak, ang parte ng balong asawa ay katumbas ng parte ng anak. Ang parte ng balong asawa ay kukunin mula sa free portion ng hereditary estate. (Art. 892, ibid.)
Kapag wala namang lehitimong anak ang yumao, subalit naiwan pang buhay ang kanyang magulang, ang balong asawa ay makatatanggap ng ikaapat (1/4) na bahagi ng hereditary estate at ito ay kukunin pa rin sa free portion. (Art. 893, ibid)
Kapag ang naiwan ng yumao ay hindi lehitimong anak, ang balong asawa ay tatanggap ng ikatlong (1/3) bahagi. Ang isa pang ikatlong bahagi ay mapupunta sa hindi lehitimong anak at ang natitirang ikatlong bahagi ay maaaring ipamigay ng yumao sa kung sino ang gusto niyang italaga. (Art. 894, ibid.)
Ang hindi lehitimong anak ay magmamana ng kalahati ng mana ng lehitimong anak at kukunin ito sa free portion ng naiwanang estate pagkatapos maibigay ang parte ng balong asawa. (Article 176, Family Code in relation to Article 895, Civil Code).





Comments