top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagkasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang krimen, gumagrabe araw-araw

BULGAR
Apr 8, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | April 8, 2022


Sibak sa puwesto ang anim na pulis dahil sa pananakit at pagnanakaw sa isang sidewalk vendor sa Lungsod ng Caloocan.


Habang isinailalim sa restrictive custody ang anim na pulis, inatasan umano ng Philippine National Police (PNP) ang National Capital Region Police Office (NCRPO), magsagawa ng masusing imbestigasyon laban sa anim na suspek.


Ayon sa pulisya, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naglalakad lamang ang biktima para bumili ng pagkain ng kanyang anak nang lapitan ng isa sa mga suspek na nagpakilalang pulis. Sa CCTV footage, makikitang kinapkapan at tiningnan ng pulis ang mga personal na gamit ng biktima at pagkalipas ng ilang minuto, dumating ang isang puting pick-up sakay ang iba pang kasamahan nitong pulis. Napag-alamang kinuha rin ng mga suspek ang P14,000 ng biktima na mula sa ayuda ng gobyerno.


Nag-viral ang CCTV footage sa social media kasabay ng paghingi ng tulong ng anak ng biktima sa kanyang Facebook post hinggil sa sinapit ng ama.


Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na may nasangkot na pulis sa krimen dahil matatandaang sa mga nakalipas na buwan, ilang insidente ng panghoholdap at pagnanakaw ang naiulat kung saan pulis ang suspek.


Hindi natin nilalahat, pero nakadidismaya na mismong alagad ng batas ang nagiging sanhi ng ganitong krimen, at sa halip na matuldukan ay naulit pa.


Pakiusap natin sa mga kinauukulan, parusahan ang mga tunay na may kasalanan.


Isa pa, tiyaking malinis ang inyong hanay upang magampanan ang inyong tungkulin na protektahan ang mamamayan.


Naniniwala pa rin tayong may mga pulis na may prinsipyo at dedikasyon sa trabaho, at sana’y dumami pa kayo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page