Pagkamatay ng babaeng nagpa-stem cell, talupan
ni Ryan Sison @Boses | Enero 14, 2024
Kaawa-awa ang sinapit ng isang pasyente na matapos sumailalim umano sa stem cell procedure ay magiging mitsa pala ito ng kanyang buhay.
Kaya naman masusing iniimbestigahan ngayon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang tungkol sa pagkamatay umano ng isang babae na nagpa-stem cell sa Quezon City.
Batay sa report ng mga otoridad, ang 39-anyos na biktima na taga-Bukidnon ay nagtungo sa isang clinic sa may EDSA, sa QC nitong January 9, bandang ala-1 ng tanghali para sumailalim sa stem cell procedure.
Gayunman, matapos ang treatment sa kanya ay nawalan ito ng malay at nakaranas umano ng panginginig. Dahil dito, agad isinugod ang biktima sa isang pagamutan sa Quezon Avenue upang bigyan ng medical treatment. Pero, pasado alas-2 ng hapon ay idineklara ang babae na patay na ng doktor.
Lumabas naman sa death certificate ng naturang biktima na nasawi siya dahil sa “anaphylactic shock (Immediate Cause), glutathione and stem cell intravenous infusion (Antecedent Cause) at chronic kidney disease stage V (Underlying Cause)”.
Hindi biro ang ganitong pamamaraan ng paggagamot o stem cell procedure para sa mga pasyenteng nangangailangan nito bilang lunas sa kanilang iniindang sakit, kung saan kinakailangan ng mga eksperto at mahuhusay na mga doktor na gagawa nito.
Isa pa na kailangang isipin kung sasailalim man sa naturang klase ng gamutan, dapat ginagawa ito sa isang ospital at hindi sa isang klinika lang dahil anuman ang magiging resulta matapos ang treatment sa pasyente, madaling makikita at marerespondehan ng mga emergency doctor.
Marahil, gusto lamang na makatipid ng pasyente kaya sa klinika ito nagpunta para magpagamot. Hindi ba’t ganyan din ang iba na nagpaparetoke ng mukha at mga parte ng katawan na sa kalaunan ay nagdurusa dahil sa mas lumala pa ang kanilang kalagayan?
Paalala sa ating mga kababayan na pag-isipan munang mabuti ang ating gagawin at papasukin lalo na kung may kaugnayan sa ating kalusugan. Huwag basta-basta sasailalim sa mga klase ng procedure na hindi natin lubos na alam ang kahihinatnan at kung wala rin namang payo ng mga doktor. Gayundin, magpakonsulta lamang sa mga espesyalista para hindi magsisi sa bandang huli.
Para sa klinika na nagsagawa ng naturang procedure, huwag sanang umabot sa puntong inyong takasan habang panagutan din ang ginawa.
Sa kinauukulan, sana ay maaksyunan agad ang nangyari para hindi na ito maulit pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments