Pagkalat ng pekeng gamot at antigen kits, ‘di na nakakatulong, sanhi pa ng bagong problema
ni Ryan Sison - @Boses | January 23, 2022
Pekeng vaccination card, pekeng RT-PCR result, pekeng mga gamot at kung anu-ano pa.
Ilan lang ‘yan sa mga nauso ngayong pandemya, kung saan ang dahilan ng pagkalat ng mga ito ay ang pangangailangan ng mga tao.
Sa pagpasok ng taon, naging mataas ang demand ng mga gamot laban sa lagnat, ubo at sipon, na kadalasang sintomas ng COVID-19.
At kamakailan, sunud-sunod ang napabalitang nagbebenta ng mga pekeng gamot at may ilan nang nahuli at nasampolan.
Kaugnay nito, isang babae ang naaresto dahil sa pagbebenta ng pekeng gamot at antigen kit sa Maynila. Nag-ugat ang operasyon ng mga awtoridad sa sumbong na nakuha ng mayor’s office na ang naturang mga produkto ay ibinebenta ng hindi awtorisadong seller.
Ayon sa pulisya, ipinagbibili ng babae ang mga produkto online, pero may puwesto rin ito sa Sta. Cruz. Nakumpiska rin sa kanya ang higit 800 kahon ng pekeng gamot na ginagamit para sa lagnat, ubo at sipon, at nang i-trace ang lot number sa pharmaceutical company, nadiskubreng para ito sa ibang produkto. Habang hindi rin tugma sa standard ng pharmaceutical company ang security marks at imprenta ng mga nasabat na gamot, gayundin, nakuha ang dalawang kahon ng antigen kit.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon sa mga posibleng koneksiyon ng babae at kakasuhan ito ng paglabag sa Special Law on Counterfeit Drugs, Consumer Act of the Philippines, Food and Drugs Administration Act at pag-o-operate nang walang business permit.
Bagama’t hindi nakapagtataka na patok ang mga ganitong pagkakakitaan dahil sa taas ng demand, sana man lang ay legal ang inyong pinagkakakitaan. Habang malakas ang kita ninyo, may mga taong naaargabyado dahil walang alam na peke ang ginagamit na produkto.
Kaya paalala sa ating mga kababayan, kahit pahirapan ang pagbili ng ilang klase ng gamot at medical supplies, sa mga lehitimong botika lamang tayo bumili para masigurado ang kalidad nito.
Nakadidismaya dahil naging daan ang pandemya para mamayagpag ang pamemeke.
Bagay na hindi nakatutulong sa sitwasyon at ugat lang ng mga bagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments