top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pagkalat ng iba’t ibang sakit, ‘wag balewalain

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 25, 2024
3 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 25, 2024


Matapos ideklara ang outbreak ng pertussis o whooping cough sa isang lungsod sa bansa, asahan nang darating mga tatlong buwan mula ngayon ang humigit-kumulang 1 milyong doses ng bakuna laban sa naturang sakit.


Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Tayag, walang sapat na bakuna ang ating bansa laban sa iba’t ibang uri ng sakit, kabilang na ang pertussis.


Aniya, nag-order na ang DOH ng 800,000 hanggang 1 milyong doses ng pertussis vaccine na darating sa June o sa kalagitnaan ng taon.


Sinabi ni Tayag na sa kasalukuyan, may natitira pang suplay nito, at sa kanilang inventory ay nakapagbigay ang DOH sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ng 1,500 doses ng pertussis vaccine na magagamit nila habang hinihintay pa ang suplay sa June. 


Sa datos ng DOH, mayroong 453 kaso ng pertussis sa bansa, karamihan ay sa Metro Manila, sinundan ng Calabarzon at Eastern Visayas.


Sinabi ni Tayag na sa naturang bilang, 367 ang kumpirmadong kaso at 25 ang namatay.


Noong nakaraang Huwebes, nagdeklara si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng pertussis outbreak sa lungsod sa gitna ng 23 kaso na nai-report ng sakit noong March 20.


Ayon sa QC government, batay na rin sa Center for Disease Control and Prevention, ang pertussis ay isang nakakahawa o contagious lung disease na dulot ng bacteria na tinatawag na Bordetella pertussis. 


Apat na sanggol na wala pang anim na buwang gulang ang namatay dahil sa impeksyon na pertussis-related sa lungsod.


Base sa World Health Organization (WHO), ang pertussis ay isang highly contagious respiratory infection na dulot ng bacterium Bordetella, na madaling kumakalat mula sa tao patungo sa tao, sa pamamagitan ng mga droplet na dulot ng pag-ubo o pagbahin.


Ayon din sa WHO, ang mga sintomas ng pertussis ay kinabibilangan ng mild fever, runny nose, at ubo, na sa mga karaniwang kaso ay unti-unting nagiging hacking cough na sinusundan ng whooping. 


Habang hinihintay pa ng gobyerno ang pagdating ng pertussis vaccines anang opisyal, namamahagi ang DOH ng mga antibiotics sa mga health center upang matugunan ang mga sintomas ng whooping cough.


Mabuti at mabilis ang pagkilos ng kinauukulan sa pagsugpo sa pinakabago at nakakahawang sakit.


Marahil, naging aral na sa atin at natuto tayo sa mga nangyari noong COVID-19 pandemic.


Kaya lang dahil sa pagtuon natin nang husto sa pandemya ay tila nasakripisyo ang ilang programang pangkalusugan ng ating pamahalaan, gaya na lang ng pagbabakuna laban sa measles para sa mga bata na tumataas din ang mga kaso, gayundin ang dengue outbreak at iba pa.


Siguro naging kampante rin ang marami sa atin at nakalimutan nang may iba pang kumakalat na sakit na puwedeng mahawa at ma-infect anumang oras.


Paalala sa ating mga kababayan, na huwag pabayaan ang kalusugan, alagaan ang mga sarili, lalo na ang ating mga anak. 


Isipin natin na ang mga beybi at maliliit na bata ay prone talaga sa mga sakit, kaya kung may mga nakaiskedyul na vaccination o immunization para sa kanila ay sundin na lamang upang hindi sila dapuan ng karamdaman. Samantalahin din natin ang ibinibigay na mga gamot, mga bakuna ng pamahalaan laban sa iba’t ibang klase ng sakit dahil malaking pakinabang nito sa atin.  


Tandaan din natin na walang ibang magmamalasakit para sa ating sarili at pamilya kundi tayo rin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page