top of page
Search
  • BULGAR

Pagkalat ng bird flu sa ‘Pinas, agad napigilan

ni Ryan Sison @Boses | Abril 6, 2024



Napigilan na ang napaulat sa bansa na outbreak ng highly pathogenic H5N1 avian influenza o karaniwang tinatawag na bird flu sa isang poultry farm sa lalawigan ng Leyte.


Ayon sa Department of Agriculture (DA), kanilang na-contain ang naturang sakit matapos na libu-libong manok ang na-cull.


Sa isang panayam, ipinahayag ni DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa na mahigit sa 50,000 din ang na-cull na habang contained na rin ang naturang area sa Leyte. 


Sinabi ni De Mesa na inabisuhan ng DA ang World Organization for Animal Health (WOAH) tungkol sa mga resulta ng laboratory testing, na nagkumpirma noong March 19, kung saan ang mga manok sa poultry farm ay nagpositibo sa highly pathogenic H5N1 avian influenza.


Sa report ng Paris-based WOAH, batay din sa DA ng ating bansa, ang nasabing virus ay pumatay ng 4,475 birds mula sa isang kawan na 60,529.


Ayon kay De Mesa, ang mga apektadong manok ay mga broiler breeder. At ito ay ordinaryong kaso lamang dahil na-contain naman agad ang lugar.


Sa kabuuan, sinabi ng opisyal na halos 60,000 birds ang pinatay dahil sa virus, kabilang ang mga na-cull bilang hakbang ng kagawaran para maiwasan ang pagkalat ng H1N1 avian influenza.


Ang bird flu ay dinadala ng mga migrating wild birds at maaaring maipasa ang sakit sa mga farm o sakahan. Sa mga nakalipas na taon, sinasalanta nito ang flocks o mga kawan sa buong mundo, kung saan nakakaapekto sa suplay at nagpapataas din ng presyo ng mga pagkain.


Pansamantalang ipinagbawal ng DA ang pag-i-import ng mga poultry product mula sa ilang bansa gaya ng Japan, Belgium at France dahil sa H1N5 outbreaks.


Mabuti at naresolbahan agad ng pamahalaan ang bird flu na nakapasok na sa ating bansa. 


Posibleng kasing kumalat pa ito sa mas maraming lugar habang hindi natin namamalayan na marami na ring tinamaan ng sakit na ating mga alagang manok.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay tulungan din ang mga apektadong mga poultry farm owner na makabawi sa tiyak na pagkalugi. Para kahit papaano ay makapagsimula uli sila sa kanilang negosyo matapos ang idinulot ng bird flu sa kanilang mga manok.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page