top of page
Search
  • BULGAR

Pagkakaroon ng lisensiya, responsibilidad at ‘di pribilehiyo

ni Ryan Sison - @Boses | June 8, 2022


Umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens ang viral ng video kung saan huli sa akto ang hit-and-run sa isang security guard habang nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong City.


Maraming netizens ang hindi nakapagpigil at nagalit dahil sa umano’y kapabayaan ng SUV driver.


Makikitang imbes na hintuan matapos mabundol, nagtuluy-tuloy sa pag-andar ang SUV at nagulungan pa ang natumbang security guard.


Kaugnay nito, tiniyak ng Mandaluyong LGU na mabibigyan ng hustisya ang security guard at kasalukuyan itong nakikipag-ugnayan sa pamilya ng biktima.


Ayon sa hepe ng City Legal Department, pinatututukan na nila sa pulis ang insidente.

At habang inoobserbahan sa pagamutan ang biktima, nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa pamilya nito upang matulungan sa gastusin sa ospital.


Samantala, nakilala na ang drayber ng SUV, at ayon sa pulisya, sasampahan ito ng kasong frustrated murder. Gayundin, sinuspinde ng Land Transportation Office nang 90-araw ang lisensiya ng naturang motorista.


Ayon sa opisyal ng LTO, natanggap na ng pamilya ng may-ari ng sasakyan ang show-cause order.


Nakakalungkot dahil isa na namang insidente ng kapabayaan at kawalan ng malasakit ang naganap. Ang masaklap pa, nangyari ito sa kalsada at may nasaktan.


Kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, ‘wag palampasin ang insidenteng ito. May isang buhay na nalagay sa alanganin at kailangang managot ang dapat managot.


Patunayan ninyong may ngipin ang batas at wala tayong pipiliing panagutin.

Sana’y magsilbing aral din ito sa mga motorista na may kapalit ang bawat kapabayaan n’yo sa kalsada dahil ang pagkakaroon ng lisensiya ay responsibilidad at hindi pribilehiyo.


Gayundin, hindi lamang kaalaman sa batas-trapiko ang kailangan ‘pag nagmamaneho. Kailangan din ang mahabang pasensiya at malasakit sa mga nasa paligid.


Kung ‘di n’yo ‘yan kayang gawin, mas mabuti pang ‘wag kayong magmaneho.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page