- BULGAR
Pagkakaisa ang susi sa maunlad na bayan
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 22, 2022
Sa pagbubukas ng bagong 19th Congress, nagsumite tayo ng mga panukalang batas na naglalayong mas patatagin at gawing mas matibay ang bansa sa pagtugon sa iba’t ibang hamon ng panahon. Ang mga batas ay bahagi ng ating mga adbokasiya at bilang suporta sa naging hangarin ni dating pangulong Rodrigo Duterte na makapagbigay ng mas maginhawang buhay sa mga Pilipino.
Kasalukuyan pa nating nilalabanan ang pandemya dala ng COVID-19. Naniniwala rin tayo na hindi ito ang kahuli-hulihang hamon sa kalusugan ng mamamayan. Kung kaya’t isinusulong natin ang mga panukalang batas upang mas patatagin pa ang healthcare system.
Kabilang na ang pagbibigay ng libreng annual medical check-up para sa bawat Pilipino at libreng Comprehensive Dialysis Benefit Package para sa mga miyembro ng PhilHealth, Advanced Nursing Education, pagtatag ng Centers for Disease Control at Virology Science and Technology Institute of the Philippines, pagkakaroon ng Emergency Medical Services System, Amendments to the Insurance Code upang mas matutukan ang mga Health Maintenance Organizations at pagbibigay ng Barangay Health Workers Benefits.
Madalas tayong tamaan ng mga kalamidad dahil sa epekto ng climate change at ating lokasyon sa Pasipiko. Kaugnay nito, muli nating isinumite ang Disaster Resilience Bill na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience na ahensyang tututok kapag may sakuna at iba pang emergency.
Kabilang din sa mga panukala ang Rental Housing Subsidy para sa mga nawalan ng bahay dahil sa mga sakuna, pagkakaroon ng Mandatory Evacuation Center sa bawat lungsod, bayan at lalawigan at pagkakaroon ng National Housing Development Production and Financing Program para sa mas maayos na programang pabahay sa mga Pilipino.
Sa Lunes, Hulyo 25, 2022 ay ihahatid ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga Pilipino ang kanyang unang State of the Nation Address o SONA para ihayag ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa at ang kinahaharap na mga suliranin, at kung ano ang mga plano at magiging aksyon ng kanyang administrasyon upang maresolba ang mga iyon.
Dahil marami ang nawalan ng trabaho at negosyo, marami pa rin ang nahihirapan, lalo na pagdating sa kanilang pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain. Inaasahan nating tatalakayin ni Pangulong Marcos, Jr. ang seguridad sa pagkain at ang magiging papel ng sektor ng agrikultura para matiyak na may sapat at murang pagkain sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino. Kailangan din natin makapagbigay ng mga trabaho, lalo na sa kanayunan, kung kaya’t isinusulong din natin ang pagkakaroon ng Rural Employment Assistance at pag-institutionalize ng One Town One Product.
Umaasa tayong ipagpapatuloy din ng administrasyon ang mga proyektong nasa ilalim ng “Build Build Build Program” ni dating pangulong Duterte dahil bukod sa ginhawa na hatid ng mga ito sa publiko ay nakalilikha rin ng maraming kabuhayan at nakaaakit ng maraming investors. At kung maganda ang mga imprastruktura, yumayabong din ang turismo at iba pang industriya.
Kaisa tayo sa hangarin ni Pangulong Marcos, Jr. na gawing mas handa, matatag at matibay ang bansa upang tuluyan nating malampasan ang pandemya at masigurong walang Pilipinong maiiwan sa ating full recovery. Patuloy lang tayo sa pagkakaisa at bayanihan para maisakatuparan ang hangaring magkaroon ng mas magandang bukas at mas maginhawang buhay.
Sa kabuuan, sa unang taon ng administrasyon ni P-BBM ay umaasa tayong makaaagapay ang ating bansa at tayong mga Pilipino sa mga hamon ng kasalukuyang panahon para patuloy na umunlad ang ating ekonomiya.
Para maisagawa iyon, kailangan natin ng mas malakas at matatag na healthcare system para tuluyan na tayong makabangon sa pandemya, may tiyak na supply ng pagkain, mas ligtas ang ating mga komunidad at mabilis ang magiging pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, at mas maraming imprastruktura ang maitatayo upang mas maraming malikhang trabaho para sa mga Pilipino.
Kaakibat din ng layuning ito ang pagkakaroon ng ligtas at tahimik na mga komunidad sa iba’t ibang sulok ng bansa. Dapat maipagpatuloy ang laban kontra korapsyon, kriminalidad at ilegal na droga upang panatag ang loob ng mga Pilipino at sama-sama tayong makikipagtulungan tungo sa iisang pangarap para sa ating minamahal na Pilipinas.
Samantala, tuluy-tuloy ang paghahatid ng ating tanggapan ng tulong sa mga kababayan nating labis na nangangailangan. Ngayong linggo ay pinagaan natin ang dalahin ng mga pamilyang biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog tulad ng 67 pamilya sa Valenzuela City; 57 sa Bgy. Duljo Fatima, Cebu City; 39 sa Bgy. 60 Tondo, at 18 naman sa Bgy. 394, Quiapo, Manila; 35 sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City; at anim pa sa Bgy. Handumanan at Felisa sa Bacolod City.
Tinugunan din natin ang pangangailangan ng mga kababayan nating kapos sa panggastos, tulad ng 500 benepisaryo sa Valenzuela City; 359 sa Diadi at Quezon, Nueva Vizcaya; at 333 sa Quezon City.
Kahapon, personal tayong bumisita para bigyan ng ayuda ang 1,450 nating kababayan mula sa Barangay R. Castillo, Lapu-Lapu at Ubalde sa Davao City.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.