top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Paging DSWD, mga Aeta at Badjao buwis-buhay sa pamamalimos sa M. Mla.

BULGAR
Dec 22, 2022
2 min read

@Editorial | December 22, 2022



Kapansin-pansin na habang papalapit ang Pasko, dumarami ang mga Aeta at Badjao na pumupunta sa Metro Manila.


Pami-pamilya ang makikita, may sanggol, bata, buntis at matatanda. Ang problema, hindi sila nagpupunta ng Metro Manila para magbakasyon o magdiwang ng Kapaskuhan kundi para mamalimos.


Buwis-buhay. Ganito mailalarawan ang kanilang kalagayan. Nakikipagpatintero sa mga sasakyan, sumasampa sa mga jeep, nilalanghap lahat ng polusyon, natutulog sa gilid ng kalsada, may tabing na tolda at karton, panlaban sa ulan at init.


Taun-taon ay ganito ang kanilang sitwasyon, kaya nang sabihin kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbibigay sila ng puhunan at pamasahe pauwi sa mga Badjao at Aeta na nagpupunta at namamalimos sa National Capital Region (NCR) ay inisip nating wala nang magbubuwis-buhay na mga katutubo para mamalimos.


Subalit, parang may mga lugar na hindi inaabot ng rescue operation ng DSWD.


Hindi tuloy maiwasan ng ilan nating kababayan na magtanong, "'Anyare sa programa para sa mga Badjao at Aeta na namamalimos sa Metro Manila? Nasaan ang inilaang pondo? 'Di kaya imbes na makabuti ay nakasama pa ang pag-aalok ng ayuda at naging sanhi ng pagdagsa ng mga katutubo sa Kamaynilaan?"


Kung taun-taon nang problema ang pagpunta ng mga Aeta at Badjao sa Metro Manila para mamalimos, sana ay may mas epektibo nang solusyon ang gobyerno. Solusyon na hindi lang magpapauwi sa kani-kanilang lalawigan kundi magiging daan para hindi na sila lumuwas para magbuwis-buhay.


Mabigyan na sana sila ng maayos na kabuhayan para sa buong taon ay makaipon sila at ang pagpunta sa Maynila ay hindi na para mamalimos kundi para mamasyal o mamili kasama ang pamilya.


Kung nais talaga ng pamahalaan na bumuti ang kanilang kalagayan, hindi isang band aid solution ang kailangan, kundi pangmatagalang ayuda.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page