top of page

Pagiging OFW, nakatakda sa binatang may pure five personality

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 5, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 05, 2021



Dear Maestro,

Hanggang ngayon, wala pa rin akong trabaho. Minsan ay nakapagtrabaho na ako, pero sandali lang dahil nagkaroon ng COVID-19 pandemic. Noong wala pang pandemya, nakapagtrabaho rin ako, pero hindi naman ako nare-regular at palaging mababa ang suweldo kaya napipilitan din akong umalis.

Nalulungkot na ako ngayon dahil ‘yung mga kaibigan ko ay may regular na trabaho, pero ako ay wala pa rin, kaya sana ay mapaganda mo ang kapalaran ko, Maestro.

Gusto kong malaman kung sa taon bang ito o sa susunod na taon, gaganda na ba ang kapalaran ko at makapagtatrabaho na ako? September 5, 1989 ang birthday ko.


Umaasa,

Jemuel ng San Benito, Victoria, Laguna


Dear Jemuel,

Ayon sa birth date mong 5 at destiny number mo na nagkataong 5 rin (9+5+1989=2003/ 20+03=23/ 2+3=) sa zodiac sign na Virgo, ikaw ay nagtataglay ng pure “five personality” dahil ang ruling planet ng Virgo na Mercury ay nagtataglay din ng numerong five (5).


Ibig sabihin, tatlong numerong singko (555) ang nagsama-sama sa iyong kapalaran nang ikaw ay isinilang, at ang numerong singko, tulad ng nasabi na ay pinangingibabawan ng Diyos na si Mercury.


Dahil ang Diyos na si Mercury ay may pakpak sa kanyang mga paa, at siya rin ang “Roman God of Financial Gain and Communication”, at siya rin ang mensahero ng iba pang mga Diyos, mas mabilis kang susuwertehin, hindi rito sa ating bansa kundi sa pakikipagsapalaran sa ibayong-dagat o pagpapabalik-balik sa abroad.


Kaya nga mapapaisip ka, kaya pala wala sa local companies ang iyong suwerte ay maaaring ito ay nasa abroad. Ito ang dahilan kaya kahit magkaroon ka pa ng trabaho sa ating bansa, hindi ka nagtatagal.


Ibig sabihin, hindi mo dapat sayangin ang iyong panahon at enerhiya sa pag-a-apply ng trabaho rito sa ating bansa, sa halip, mas makabubuti sa iyong career na sa ibang bansa ka na agad mag-apply at maghanap ng pagkakakitaan.


Sa ganyang paraan, ayon sa iyong Travel Calendar, hindi mo ba napansin na ang taong 2021, ay may sumatotal ding 5? Nangyari, dahil ang taong 2021 ay kinokompyut ng ganito, 20+21=41/ 4+1=5. Ibig sabihin, sa taong ito, sa edad mong 32 pataas, magsasama-sama sa iyong buhay ang limang (5) singko. Ito ay ang edad mong 32 (ang 32 ay 3+2=5) at nagkataong tulad ng nasabi na, singko (5) rin ang year 2021.


Kaya walang duda na ngayong 2021, sa buwan ng Oktubre, tiyak ang magaganap – may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran, na siya ring magiging hudyat o simula ng tuloy-tuloy na pag-unlad ng iyong kabuhayan hanggang sa ikaw ay tuluyan na ring yumaman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page