Paghuhukay para sa Metro Manila Subway project, start na sa Dis. 12 – DOTr
- BULGAR
- Nov 17, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | November 17, 2022

Sisimulan na ang paghuhukay ng mga tunnels para sa Metro Manila Subway project sa Disyembre 12, ayon sa Department of Transportation (DOTr) ngayong Huwebes.
Sinabi ni DOTr Undersecretary for Rails Sector Cesar Chavez na ang excavation ay magsisimula sa Barangay Ugong, East Valenzuela, na ito ring magsisilbing railways’ depot.
“One of the discussions in Tokyo, yung actual excavation is on December 12. Actually, ito na yung totoo… Totoo ‘yung ‘pag excavate.”
Kamakailan, nagtungo si Chavez sa Tokyo, Japan, para i-check ang ika-4 ng 25 tunnel-boring machines na binili ng gobyerno.
Una nang target ng mga opisyal ng DOTr sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na buksan ang unang tatlong stations sa Valenzuela, Tandang Sora, at North Avenue nitong Mayo ngayong taon.
Mula sa Valenzuela station, ang excavation ay tatagos para sa isang kilometro at kalahati na aabot sa susunod na istasyon, ang Quirino Highway station sa Novaliches, Quezon City.
Ayon sa mga Japanese engineers na nagsasagawa ng subway, aabot hanggang 12 buwan bago makumpleto ang paghuhukay mula sa Valenzuela hanggang Quirino Highway.
Paliwanag nila, maglalagay ng mga concrete panels, electrical wirings, at iba pang installations bago simulan ang excavation.
Ang mga Filipino engineers, na dati nang nagtatrabaho para sa mga subways sa Middle East, ay ini-hire na rin para sa pagsasagawa ng subway project.
Anila, ang mga pag-ulan o pagbabaha ay hindi naman magiging hadlang sa konstruksyon ng subway dahil sa technology at system na nakatalaga sa nasabing site.
Ayon sa DOTr, “The underground railway stretches from Valenzuela to Bicutan in Taguig City and the NAIA Terminal 3 in Pasay City with 17 stations. Once operational, the subway is expected to cut travel time from Quezon City to NAIA to 35 minutes from the current 1 hour and 10 minutes.”
Gayunman, sinabi ng ahensiya na nahaharap pa rin sila sa iba pang hamon kaugnay sa acquisition o pagkuha ng right-of-way para sa proyekto, o pakikipagnegosasyon sa mga property owners na maaapektuhan ng nasabing project.
Ang konstruksyon para sa P488.5-billion project ay pinondohan sa pamamagitan ng loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Umaasa naman ang gobyerno na magagamit na ng publiko ang subway line sa taong 2028.
Samantala, nagpadala na ang DOTr ng 19 Filipino engineers sa Japan upang ihanda ang mga ito para sa operasyon, kung paano patatakbuhin ang subway at iba pang hinaharap na railways projects, katulad ng North-South Commuter Rail.





Comments