Paghandaan ang kalamidad, unahin ang kaligtasan
- BULGAR
- Aug 3, 2022
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 3, 2022
Nitong nakaraang Linggo, Hulyo 31, 2022 ay bumisita ako, kasama si Senator Robin Padilla, sa Abra at Ilocos Sur para tingnan ang naging pinsala ng nagdaang lindol, malaman ang sitwasyon ng ating mga kababayan doon, makapaghatid ng tulong, pagaanin ang kanilang pinapasang hirap at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Personal nating pinuntahan sa Abra at pinagkalooban ng tulong ang 1,592 pamilya sa Lagangilang; at 100 pa sa Bangued. Pagkatapos ay dumiretso tayo sa Vigan City, Ilocos Sur kung saan nag-abot din tayo ng tulong sa 335 na residente.
Maasahan ng ating mga kababayang naapektuhan ng lindol na patuloy ang ating gagawing pagsuporta sa kanila sa abot ng ating makakaya, kasama ang kapwa nating mga mambabatas at ang buong gobyerno, hanggang muli silang makabangon mula sa krisis na ito.
Dahil sa naganap na malakas na lindol ay napag-uusapan na naman ang importansya ng pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience. Nai-file natin na ito sa nakaraang 18th Congress at muli nating isinumite sa 19th Congress. Hindi natin ititigil na isulong ang pagtatatag ng DDR dahil ang kailangan talaga sa pagtugon sa mga kalamidad, sakuna at iba pang emergency ay permanenteng opisina na nakatutok sa kanyang mandato at hindi coordinating body lamang.
Para sa atin, sana ay may Cabinet Secretary na nakatalaga sa mga ganitong klase ng problema at may command sa kanyang opisina. Siya ang magtitimon at magsisiguro ng sapat na kahandaan, kasama na ang prepositioning ng mga emergency goods at rescue personnel, bago pa man dumating ang mga sakuna. Pagkatapos dapat mabilis ding masisimulan ang restorasyon at rehabilitasyon ng mga nasirang imprastruktura at agad ding makababalik sa normal na pamumuhay ang mga kababayan nating naapektuhan.
Inihain natin ang Mandatory Evacuation Center bill na naglalayong magtayo ng evacuation centers sa bawat munisipyo, lungsod at probinsya sa buong bansa. Bukod sa maayos at ligtas na pasilidad na may tulugan at palikuran, ang mga itatayong evacuation center ay kumpleto rin sa pangunahing pangangailangan ng mga evacuees, tulad ng maayos na pagkain, tubig na inumin at mga gamot.
Mahalagang maisabatas ito. Nakita naman natin ang pinsalang nilikha ng lindol sa mga gusali at tahanan ng ating mga apektadong komunidad. Apektado hindi lang ang kanilang kaligtasan kundi maging ang kanilang kabuhayan.
Isusulong din natin ang pag-amyenda sa National Building Code natin. Napakatagal na nito at hindi na tugma sa panahon natin ngayon. Kailangan ay gawing moderno na at may bagong standard na ayon sa makabagong panahon.
Dahil sa ating pag-iikot sa Abra at Ilocos Sur ay nakita natin ang naging pinsala sa mga ancestral houses at ibang heritage sites. Labis nating nanghinayang kaya nagsumite kami ni Sen. Padilla ng resolusyon sa Senado na nag-aatas sa ating pamahalaan na suportahan ang restorasyon ng mga ito upang ma-preserve ang ating kultura na parte na ng ating kasaysayan. Dagdag pa ang kanilang naiaambag sa turismo at kabuhayan ng kanilang komunidad, lalo na ngayon na unti-unti nang bumabangon ang ating ekonomiya mula sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Nagsumite rin tayo ng resolusyon kasama ang ating mga kapwa Senador na magsagawa ng inquiry ang Senate Committee on Sports kung paano masusuportahan ang Gilas Pilipinas basketball program at para matiyak ang kanilang magandang performance sa international competitions.
Titingnan natin kung paano tayo makatutulong na palakasin pa lalo ang ating sports programs, lalo na sa basketball na hilig talaga ng mga Pilipino. Bilang mambabatas, nais nating pag-usapan kasama ang mga manlalalaro, organizers, coaches at sports officials kung paano makakatulong ang gobyerno sa ating iisang hangarin na magdala ng karangalan sa ating bansa sa larangan ng palakasan.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, katuwang si Sen. Padilla ay isinumite rin namin ang Senate Resolution 85 para magsagawa ng imbestigasyon at alamin ang kahandaan ng pamahalaan na makontina ang paglaganap ng monkeypox sa ating bansa at maiwasan ang pagbagsak ng ating healthcare system, lalo na ngayong dama pa natin ang epekto ng COVID-19 pandemic.
PINAKAIMPORTANTE sa atin na palaging ligtas ang buhay ng mga Pilipino. Marami na tayong nasaksihan sa ating paglilingkod sa bayan kung anu-ano talaga ang sitwasyon ng ating mga kababayan, lalo na sa panahon ng kanilang pangangailangan. Asahan ninyo na hindi tayo titigil at gagawin natin ang lahat ng ating makakaya para maisakatuparan ang mga hangaring ito at masolusyunan ang mga problema, lalo na ng mahihirap at walang ibang matatakbuhan kundi ang gobyerno.
Katuwang tayo ng administrasyon at suportado ang mga programa nila para matulungan ang ating mga kababayan na maging palaging handa at kayang umagapay sa takbo ng panahon anumang oras at sitwasyon. Magtulungan at makiisa tayo para walang maiiwan sa ating pagbangon bilang mas matatag na sambayanang Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments