Paghahanda sa iba pang COVID-19 variant, dapat tuluy-tuloy lang!
ni Ryan Sison - @Boses | March 14, 2022
Sa kabila ng patuloy na pagluluwag ng mga restriksiyon dahil sa pagbaba ng daily COVID-19 cases, tiniyak ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na handa ang Pilipinas sa pagsulpot ng anumang bagong COVID-19 variant.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ito ay dahil sa pagpapalakas ng COVID-19 vaccination drive sa bansa.
Kamakailan kasi, iniulat ng World Health Organization (WHO) na natukoy nila ang bagong variant na “Deltacron” na kumbinasyon ng Delta at Omicron variants.
Una nang sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na binabantayan ng Philippine Genome Center ang mga kaganapan sa bagong variant of concern.
Matatandaang 90 milyon na ang target population ng pamahalaan na mabakunahan laban sa COVID-19 sa katapusan ng Hunyo.
Galing na mismo sa DOH na handa tayo sa Deltacron, pero sana lang, mabantayang maigi ang bagong variant na ito, lalo pa’t bukas na ang bansa sa mga dayuhang turista.
Habang sinisikap nating makabangon, ‘wag natin kalimutang may banta pa rin ng sakit.
Hindi na dapat maulit ang nangyari noong Enero na muli tayong naghigpit ng restriksiyon dahil sa Omicron surge. Isa pa, sana’y handa ang ating health workforce sa anumang mangyayari.
‘Ika nga, ‘di tayo dapat makampante kahit pa malaking bilang na ng target population ang nabakunahan laban sa sakit. Tandaan, bakunado man o hindi, puwede pa ring mahawahan ng sakit, kaya utang na loob, bilang mamamayan, gampanan natin ang obligasyon na maging responsable.
At pakiusap sa lahat, pamahalaan man o sa mamamayan, ituloy lang natin ang mga pag-iingat at paghahanda laban sa iba pang variant ng COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments