top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Paggunita sa mga biktima ng road accident

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 22, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 22, 2023


Noong nakaraang Linggo ay ginunita ang World Day of Remembrance for Road Traffic Victim (WDR), isang high-profile global event upang gunitain ang milyun-milyong buhay na nasawi at seryosong nasugatan dahil sa aksidente sa sasakyan.


Buong mundo ang umaalala sa okasyong ito na isinasagawa tuwing ikatlong Linggo ng Nobyembre kada taon kaya nakilahok tayo bilang pagkilala sa lahat ng motorcycle road safety warriors.


Mahigit sa 4,000 motorcycle riders ang inimbita sa naturang programa na inorganisa ng Motorcycle Philippines Federation (MCPF) na nagkita-kita sa Macapagal Avenue bago sabay-sabay na nag-motorcade patungong Strike Gymnasium sa Bacoor Government Center sa lalawigan ng Cavite.


Ang programa na sinimulan sa pamamagitan ng dasal at flag ceremony ay sinundan ng opening remark ni Director for Safety Engr. Joel Donato. Nagbigay din ng mensahe si Department of Transportation Secretary Bautista, kasunod ng paghayag ng road crash victims report na pinaghati-hatian ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office Region 4 MARILAQUE at ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police (HPG-PNP).


Ginawaran tayo ng pamunuan ng MCPF ng pagkilala bilang Ambassador for Motorcycle Road Safety and a Road Safety Warrior kaya labis ang ating pasasalamat, kasabay ng pagkilala rin sa mga indibidwal at iba’t ibang kumpanya na nakasuporta sa programang nabanggit.


Walang paglagyan ang naramdaman nating kaligayahan nang makita nating nagtipun-tipon ang napakaraming riders ng iba’t ibang club, ang mga modern-day cowboy natin na lahat ay nakiisa sa ating mabuting layunin.


Nabuo ang naturang pagtitipon para kilalanin ang ating mga motorcycle road safety warriors, kasabay ng paggunita sa WDR, magkaakibat ito dahil sa pamamagitan lamang ng road safety promotion and education natin tunay na madadakila ang mga binawian ng buhay dahil sa mga aksidente sa lansangan.


Dala ng pagbabago at pag-unlad ay hindi na mapipigilan ang tuluy-tuloy na paglago ng merkado ng motorsiklo sa ating bansa, at hindi maitatanggi na bahagi na ito ng paglago ng ating ekonomiya dahil sa sumasabay ang bilis nito sa bilis ng teknolohiya.


Halos 1 milyong motorsiklo ang naibenta sa loob lamang ng unang kalahating taon, karagdagan ‘yan sa 7.81 milyong motorsiklo at tricycle na nakarehistro sa LTO noong nakaraang taon kaya hindi maitatanggi na ang motorsiklo na ang pangunahing sasakyan sa bansa.


Mula sa aking pagkabata ay mahilig na akong magmotor. Kaya naman mula pa noong 2008 o 15 years ago, nakipag-partner na tayo sa MCPF, kung saan naging para ko nang naging mga kapatid ang mga opisyal ng MCPF na sina Atoy Sta. Cruz, Jojo Medina, at iba pa naming kasama.


Noong 2009 naman, ako ay naging Road Safety Ambassador din ng Suzuki, at sama-sama kaming nakapagpasa ng mga batas para sa kaligtasan ng ating mga riders.


Naisabatas natin ang mandatory Helmet Act noong 2009 at dahil sa batas na ‘yan ay nakita natin ang pagbaba ng insidente ng pagkamatay ng mga rider na sangkot sa mga vehicular crashes.


Noong 2015, naisabatas naman natin ang adbokasiya ng mga rider na ipagbawal ang hindi ligtas na pag-angkas ng mga musmos sa mga national at high speed roads.


Pinagtulung-tulungan namin ito para iligtas ang mga bata sa mga peligro ng lansangan.


Malaki rin ang naging papel ng MCPF dahil sa rami ng kanilang mabuting adhikain ay nagkaroon ito ng katuparan sa ating panunungkulan dahil sa tuluy-tuloy na pagtutulungan lalo na ng komunidad ng mga rider sa buong bansa.



Nakakalungkot lang na kapalit ng progresong tinatamasa ng bansa dahil sa motorsiklo ay tila napakabagal pa rin ng pagbabago. Halos araw-araw ay laman ng balita ang mga nagmomotorsiklo na kung hindi sumemplang, napilayan, nasugatan o minsan ay binabawian pa ng buhay.


May kasabihan na kapag lulan ka ng motorsiklo ay nasa hukay na agad ang isang paa ng nagmamaneho at tatlong lugar lamang umano ang naghihintay -- kulungan, ospital o sementeryo, lalo na kung iresponsable kang magmaneho.


Ayon sa datos, 90 porsyento ng aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo — nasa tama man o mali ay palaging agrabyado ang rider, hindi pa kabilang ang ginagawang pambu-bully ng mga four-wheeled vehicle.


Ayon sa Analysis of Transport and Vehicular Crash Cases na isinagawa University of the Philippines-Manila, karamihan sa nagmamaneho ng motorsiklo ay kabilang sa 53% hanggang 62% na pasyenteng dinadala sa mga pagamutan kada taon simula noong 2014 hanggang 2019.


Ang nakakalungkot lamang ay tila wala namang pagbabago sa mga kinasasangkutang aksidente dahil hanggang sa kasalukuyan ay tulad pa rin ng naitalang problema 10 taon na ang nakararaan na bad overtaking; bad turning; at overspeeding.


Kung titingnan nating mabuti, napakadali naman palang tugunan at iwasan ang pangunahing dahilan ng mga aksidenteng ito. Iyan nga ay sa pamamagitan ng displinadong pagmamaneho kung saan may respeto ang bawat gumagamit ng lansangan sa kanyang kapwa.


Kailangan nating magtulungan upang magkaroon ng kultura ng respeto at paggalang sa lansangan. Mabuhay ang mga riders!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page