Paggisa nina Pimentel, Hontiveros at Cayetano kay ES Rodriguez, sablay!
- BULGAR
- Sep 9, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 9, 2022
MALING AKALA NG MGA SENADOR KAY ES RODRIGUEZ—Noong una, akala ng mga 11 senador ay ayaw nang dumalo ni Executive Secretary (ES) Vic Rodriguez sa kuwestiyunableng tangkang importasyon ng 300,000 tonelada ng asukal, kaya nagpasya silang padalhan na ito ng subpoena para puwersahing padaluhin ito sa Senate hearing, pero na-shock sila kasi hindi pa nila napapadala ang subpoena ay biglang sumulpot sa Senado ang executive secretary at naki-join na sa Senate probe sa sugar importation.
Kung ganun, mali pala ang akala ng 11 senador na ayaw na silang harapin ni ES Rodriguez kasi lumalabas na totoo ang sinabi nitong kaya hindi siya nakadalo ng dalawang beses ay dahil busy siya sa pag-asikaso sa state visit ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa Indonesia at Singapore at sa pagdalo sa Cabinet meetings, dahil nang magkaroon na ng libreng oras ang executive secretary ay kusa na itong nagtungo sa Senado, hinarap ang mga senador at sinagot ang kanilang mga katanungan tungkol sa isyu ng importasyon ng asukal!
◘◘◘
BIGO SINA PIMENTEL, HONTIVEROS AT CAYETANO NA IDIIN SI ES RODRIGUEZ SA 300K SUGAR IMPORTATION—Alam nina minority Senators Koko Pimentel, Risa Hontiveros at independent bloc Sen. Alan Cayetano na sa gagawin nilang "paggisa" kay ES Rodriguez sa kuwestiyunableng tangkang importasyon ng 300,000 tonelada ng asukal, ang tatamaan ay si PBBM dahil ito ang kanyang executive secretary, kaya lang sa hearing sa Senado ay nabigo ang tatlong senador na gisahin ito kasi kahit anong pasikut-sikot na tanong ang gawin nila ay nasasagot ni Rodriguez.
Ibig sabihin, bigo sina Pimentel, Hontiveros at Cayetano na idiin si ES Rodriguez at dahil d'yan ay nagpasya na ang majority senators, sa pamumuno ni Senate Pres. Migz Zubiri na itigil na ang imbestigasyon!
◘◘◘
BUKING ANG PAGSISINUNGALING NI SERAFICA NA 600K TONS ASUKAL ANG GUSTONG IPA-IMPORT NI PBBM—Sa pagdinig sa Senado, ang nadiin nang husto rito ay si dating Sugar Regulatory Board Administrator Hermegildo Serafica, at talagang nagalit niya ang mga senador sa kanyang pagsisinungaling nang sabihin niyang 600,000 toneladang asukal daw ang gustong ipa-import ni P-BBM.
Sa totoo lang, magagalit talaga ni Serafica ang mga senador kasi nuknukan ito ng sinungaling, dahil sa tangkang pag-i-import ng SRA ng 300,000 toneladang asukal ay nagalit na sina P-BBM at ES Rodriguez, tapos sasabihin niyang 600,000 tonelada ang gustong ipa-import ng pangulo.
◘◘◘
DAPAT MAY MANAGOT SA MGA TAGA-PS-DBM AT DEPED NA BUMILI NG OVERPRICED NA, OUTDATED PANG LAPTOPS—Ngayong tapos na ang Senate hearing sa sugar importation, ang dapat pagtuunan naman nang pansin ng Senado ay ang tungkol sa overpriced na pagbili ng PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management) at DepEd (Dept. of Education) ng mga laptop na worth P2.4 bilyon.
Dapat talagang may managot sa anomalyang ito kasi binayaran ang PS-DBM at DepEd mula sa kaban ng bayan ng halagang P58,300 ang kada isang unit ng laptop kahit outdated ito, na ibig sabihin, sa sobrang bagal ng mga laptop ay hindi na ito kaaya-ayang gamitin pa ng mga guro at mag-aaral sa mga public school.





Comments