Paggamit ng pekeng travel documents, talamak
@Editorial | Enero 15, 2024
Namamayagpag pa rin ang paggamit ng pekeng travel documents sa bansa. Patuloy na nag-o-operate ang mga sindikato na nagsasabwatan sa pagpapalabas ng pekeng papeles na ginagamit ng mga dayuhan at maging ng mga Pinoy na may transaksyon sa Bureau of Immigration (BI).
Base sa ulat ng Anti-Fraud Section, nasa kabuuang 241 pekeng dokumento ang kanilang naeksamin nitong 2023.Kabilang sa mga ito ang mga pekeng birth at marriage certificates na gamit sa aplikasyon para sa visa, pasaporte, at Immigration stamps na gamit naman para sa internasyunal na biyahe.Nakapanlulumo ang pamamayagpag ng mga pekeng dokumento na umano’y karamihan ay galing sa mga fixers na nangangako ng mabilisang proseso sa kanilang mga dokumento sa BI.Gayunman, ang babala ng gobyerno sa mga sindikato at maging sa mga kumakapit sa fixers, may mga moderno ng kagamitan ang Pilipinas na tulad sa ibang bansa na kayang matukoy ang mga pekeng dokumento na inihahain sa kanila.Kabilang dito ang biniling tatlong bagong “video spectral comparator”, na gamit sa “advanced forensic-level document examination” at ginagamit sa pagberipika sa mga dokumento tulad ng mga passport, ID cards, visa at mga permit. Dalawa pa ang donasyon ng gobyerno ng Australia sa pamamagitan ng Department of Homes Affairs ng Australian Embassy.
Kaya sa halip na mapapabilis, tiyak na lalo lang ‘di matutuloy sa paglabas ng bansa, may kaso pa.
Napakahalagang matutukan ang problemang ito para masugpo ang human trafficking at hindi na lumala ang pang-aabuso.
Umaasa tayo na mas handa at palaban ang gobyerno sa pagtugis sa mga sindikato at magabayan ang ating mga kababayan sa tamang pagproseso ng anumang dokumento para ‘di mapahamak.



Comments