Paggamit ng luxury vehicles ng LGUs para sa operasyon, bawal – DILG
ni Lolet Abania | September 14, 2022

Ipinaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na ipinagbabawal sa kanila ang pag-acquire o paggamit ng mga luxury vehicles para sa kanilang mga operasyon.
Sa isang statement, nanawagan si DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga LGU officials na isagawa ang nararapat na pag-iingat at sumunod sa budgetary, procurement, at auditing laws at sa iba pang mga regulasyon at standards.
“Manatili po tayong matipid sa pagpili ng sasakyan lalo na’t hindi pa tayo nakakabangon sa masasamang epekto sa ekonomiya ng pandemya ng COVID-19,” pahayag ni Abalos.
“Dapat po tayong maging halimbawa sa ating mga nasasakupan sa masinop na paggamit ng pondo ng bayan,” aniya pa.
Ayon kay Abalos ang mga LGUs ay kailangang mag-procure ng mga sasakyan na pinakaepisyenteng gamitin, kung saan ang mga ito ay cost-effective, fuel-efficient, environment-friendly, at tunay na may improvements at developments sa automotive industry at kaugnay na teknolohiya.





Comments