top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Paggamit ng Certificate of Registration ng licensed pharmacist

  • BULGAR
  • Dec 24, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 24, 2022


Dear Chief Acosta,


Ang kaibigan ko ay licensed pharmacist na nagtatrabaho sa pribadong kumpanya sa Maynila hanggang ngayon at ang kanyang ina naman ay may-ari ng drug store sa aming probinsya. Noong nakaraang araw ay bumili ako ng gamot sa nasabing drugstore at nakita ko na nakapaskil ang Certificate of Registration ng aking kaibigan at nakasulat ang kanyang pangalan sa listahan ng mga licensed pharmacists na nagtatrabaho sa nasabing drugstore. Hindi ba ito paglabag sa batas? - Dan


Dear Dan,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 45 (b) ng Republic Act No. 10918, “An Act Regulating and Modernizing the Practice of Pharmacy in the Philippines, Repealing for the Purpose Republic Act Numbered Five Thousand Nine Hundred Twenty-One (R.A. No. 5921), otherwise known as the Philippine Pharmacy Law, na nagsasaad na:

“Section 45. Penal Provisions. - Any person who shall commit any of the following acts shall, upon conviction, be sentenced to pay a fine of not less than two hundred fifty thousand pesos (₱250.000), but not exceeding five hundred thousand pesos (₱500.000) or imprisonment of not less than one (1) year and one (1) day but not more than six (6) years, or both, at the discretion of the court: x x x

(b) Allowing the display of one’s COR in a pharmaceutical establishment where the pharmacist is not employed and practicing; x x x”

Ayon sa nasabing probisyon na batas, kung mapatutunayang ang licensed pharmacist ay hinayaang ipaskil ang kanyang Certificate of Registration o COR sa establisimyento na hindi naman siya konektado o empleyado, siya ay maaaring pagbayarin ng multa o mahatulan ng pagkakakulong na hindi bababa sa isang taon at isang araw, ngunit hindi hihigit sa anim na taon. Kung kaya, base sa iyong nasabing sitwasyon, paglabag sa Seksyon 45 ng Republic Act No. 10918 ang hinahayaang pagpapaskil o paglalagay ng COR ng iyong kaibigan sa drugstore ng kanyang nanay dahil hindi naman siya empleyado o konektado sa nasabing drugstore.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page