Paggamit ng AI at deepfakes sa eleksyon, dapat ipagbawal

ni Ryan Sison @Boses | June 2, 2024

Para mas maging makabuluhan at maayos ang gaganaping 2025 midterm elections, sisimulan na ang mga talakayan hinggil sa panukalang pagbabawal sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at deepfakes sa halalan sa susunod na linggo.
Sa isang panayam nitong Sabado kay Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia, sinabi nitong tatalakayin ang isyu ito ng commission en banc. Aniya, marami silang kokonsultahin mula sa mga eksperto patungkol sa AI.
Nauna nang iminungkahi ni Garcia sa Comelec en banc na ipagbawal sa mga kandidato ang paggamit ng AI technology at deepfakes sa kanilang mga electoral campaign.
Ayon kay Garcia, ang pang-aabuso ng teknolohiyang ito sa mga campaign material gaya ng mga video, audio, o iba pang mga media form ay maaaring katumbas ng mapanlinlang na misrepresentation ng mga kandidato.
Ang AI ay ang simulation ng human intelligence sa mga machine o computers, habang ang deepfake naman ay isang digitally manipulated recording na nagpapakita ng mga pekeng larawan, audio at video ng panloloko.
Binigyang-diin naman ni Garcia na hindi lahat ng AI ay masama, pero ang AI na nagko-cause ng disinformation o para sirain ang reputasyon ng mga kalaban o ang integridad ng halalan ay ang tinatawag na bad AI.
Sinabi rin ng opisyal na ang mahalaga ay magkakaroon ng regulasyon ang Comelec, at ang mga social media platform ay maoobliga na agad sundin ang kagawaran dahil ang AI ay ipagbabawal o ire-regulate sa panahong iyon.
Matatandaan na nanawagan ang Comelec sa Kongreso na bumuo ng batas na nagpapahintulot sa poll body na i-regulate ang mga social media post ng mga kandidato sa panahon ng kampanya upang maiwasan ang pagkalat ng disinformation.
Sa kasalukuyan, walang mga batas na nagbabawal sa paggamit ng deepfakes. Subalit, isang panukala ang inihain sa Kamara noong nakaraang taon, na naglalayong magpataw ng mas mabigat na penalty para sa paggamit ng deepfake technology sa paggawa ng mga krimen na may parusang mas mataas ng isang antas kaysa sa itinakda sa Revised Penal Code o mga kaukulang batas.
Marahil, tama na i-ban ang paggamit ng AI at deepfakes sa darating na eleksyon upang hindi makapagdulot ng pagkalito sa mga mamamayang boboto.
Kung noon ay marami na ang napepekeng mga botante na piliin ang mga kandidatong nangangako ng tapat na serbisyo subalit kabaligtaran lang pala ang nangyari kapag nakaupo na, ano pa kaya ngayong lantad na tayo sa teknolohiya na maaaring magamit sa pandaraya.
Dapat nga sigurong ipagbawal na lamang ito at huwag nang gamitin sa eleksyon.
Sana lang ay pag-aralan at busisiing maigi ng kinauukulan ang kanilang gagawing diskusyon hinggil sa paggamit ng AI at deepfakes bago bumuo ng desisyon na makabubuti talaga para sa ating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments