Pagdiriwang ng mga pista, oks basta safe
ni Ryan Sison - @Boses | June 27, 2022
Hindi maitatago ang kasabikan ng mga tao pagdating sa pagdiriwang ng mga pista.
Sa nakalipas kasing dalawang taon, walang mga selebrasyon bilang pag-iingat sa COVID-19.
Ngunit ngayon, kaliwa’t kanang pista ang idinaraos, basta’t susunod sa mga health protocols, gayundin kung pahihintulutan base sa alert level ng isang lugar.
Gayunman, nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng maging superspreader event ang mga pista.
Ang babala ay kasabay ng nakalipas na Wattah Wattah festival sa lungsod ng San Juan.
Sa sobrang tuwa ng mga residente dahil dalawang taong hindi naipagdiwang ang naturang pista, tila nakalimot ang mga ito na may pandemya pa.
Base sa mga video sa social media, kapansin-pansing maraming residenteng walang face mask habang nakikipagbasaan.
Unang ipinaliwanag ng pamunuan ng San Juan na base sa panuntunan ng Alert Level 1, pinahihintulutan ang mga gathering tulad nito. Gayundin, nasa low risk category umano ang kanilang lungsod at pagdating sa level ng proteksyon kontra COVID-19, mataas umano ng kanilang vaccination rate.
Samantala, magsasagawa ng surveillance ang DOH upang malaman kung magkakaroon ng pagtaas ng COVID cases sa lungsod.
Binigyang-diin pa ng ahensya na hindi pinagbabawalan ang mga ganitong event, pero mahigpit na ipinaaalala sa mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga health protocols.
Nauunawaan nating marami ang sabik sa mga pagtitipon dahil makalipas ang dalawang taon, sa wakas ay maaari nang magdiwang ng mga pista, pero tulad ng paalala ng DOH, ‘di tayo dapat makampante. Tandaan, bakunado man o hindi ay puwedeng mahawahan ng virus.
Huwag nating hayaan na maging mitsa ng hawahan at iba pang problema ang kasabikan natin sa mga mass gathering.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments