Pagdiriwang ng kapistahan, gawing masaya at ligtas
- BULGAR
- Jun 29, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | June 29, 2024

Isyu ngayon ang naging pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival na nauwi umano sa gulo at may mga naperhuwisyo.
Ang Wattah Wattah Festival ay taunang pagdiriwang bilang paggunita sa patron saint ng San Juan na si St. John the Baptist.
Gayunman, ang nasabing selebrasyon ay hindi umano nagustuhan ng publiko dahil sa asal ng ibang residente kung saan ay makikita sa mga kumakalat na video ang pagsaboy ng tubig sa mga komyuter at motorista na nagdaraan.
May mga pagkakataon pa na umaakyat sa sasakyan at hinaharang ng mga nambabasa. May isa pang video na isang rider ang sinuntok ng isang lalaki matapos na komprontahin ang isang menor-de-edad na nambuhos sa kanya ng tubig.
Ang isa sa matinding kaganapan ay may isang lalaki ang umano'y nagsaboy ng muriatic acid bilang resbak sa isang lalaki na sinasabing nambuhos sa kanya ng tubig sa kasagsagan ng pagdiriwang.
Sinampahan ng kasong physical injury ang suspek na 33-anyos ng biktimang edad 30, na nasabuyan ng asido.
Napag-alaman na papasok sa trabaho ang suspek at mga kasama nito nang buhusan siya ng tubig. Sa galit ng suspek dahil sa nabasa siya ay inilabas nito sa kanyang bag ang bote ng muriatic acid at isinaboy sa biktima na tinamaan sa mata.
Ang mga ganitong pagkakataon ang sana’y maiwasan tuwing nagdiriwang ng kapiyestahan, sa kahit saang lugar.
Mapanatili sana nating masaya at ligtas ang lahat para walang perhuwisyo at problema.



Comments