Pagdami ng online sexual abuse sa mga bata, aksiyunan!
ni Ryan Sison - @Boses | July 23, 2022
Sa gitna ng mga balita tungkol sa paglaganap ng sexual predators online, isinusulong ang panukalang-batas na magpoprotekta sa mga kabataan laban sa online sexual abuse.
Binigyang-diin ng isang tech expert na hindi lamang sa social media platforms nangyayari ang pang-aabuso kundi maging sa online games. Sa katunayan, tumaas umano nang 300% ang mga kaso ng online sexual abuse sa mga kabataan.
Kasabay nito, iminungkahi ng eksperto na bantayan ang pakikipag-usap ng mga bata sa online gaming apps. Mayroon umanong chat feature ang online gaming applications na karaniwang ginagamit para mag-invite ng kasama o makapag-usap ang magkakakampi sa loob ng laro.
Dahil dito, ipinayo sa mga magulang na kilatising mabuti ang mga nakakausap ng anak online at gabayan ang mga bata sa paggamit ng internet. Gayundin, ugaliin umanong tingnan ang chat history o activity ng mga bata, pati ang mga sites na pinupuntahan nito at hangga’t maaari, limitahan umano ang paggamit ng gadget at internet.
Matatandaang, kamakailan ay inihayag ng isang senador ang pagkalat ng Facebook pages at YouTube accounts, kung saan may mga nagse-sexualize umano sa mga bata, kaya hinimok nito ang pamahalaan na aprubahan na ang panukalang nagpapalakas sa anti-child porn law.
Sa totoo lang, nakababahala dahil tila hindi na talaga mapigilan ang pagkalat ng masasamang loob at kahit online ay nakakapambiktima ang mga ito. Ang masaklap pa, karaniwang biktima ay mga bata.
Naniniwala tayong may magagawa ang gobyerno upang matuldukan ang krimeng ito. Sana’y maging katuwang ang iba pang ahensya, gayundin ang pulisya upang matunton at maparusahan ang mga nasa likod nito.
Sa panahon ngayon, kailangang manaig ang magagandang dulot ng teknolohiya para sa kabutihan at hindi para mamayagpag ang kasamaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments